NI LILY REYES
BINALAAN ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga kapitan ng barangay na nakikisawsaw sa signature campaign na nagsusulong ng People’s Initiative na naglalayong amyendahan ang 1987 Constitution.
Ayon kay DILG Undersecretary Chito Valmocina, ini-imbestigahan na ng kagawaran ang mga ulat hinggil sa aktibong partisipasyon ng ilang barangay chairman.
Gayunpaman, nilinaw ni Valmocina na kailangan pa rin may maghain ng reklamo sa departamento para masampahan ng karampatang kaso ang mga tinawag niyang Kapitan Sawsawero.
Para sa naturang opisyal, hindi angkop na sumali ang mga kapitan ng barangay sa kampanya ng People’s Initiative, kasabay ng giit na dapat magmula ang pagkilos mula sa mga pangkaraniwang mamamayan – “at hindi kasali dyan ang mga taong gobyerno.”
Hindi rin aniya wastong gamitin ang pasilidad ng barangay sa pangangalap ng pirma.
“I-black and white niyo kung meron kayong nakita kasi hindi puwede ‘yong hearsay,” ani Valmocina sa isang pulong-balitaan.
“Depende doon sa magiging complaint sa kanya at lahat ng mga complaint naman na ‘yan, pagka-dumating na sa akin, dinadala ko sa legal ‘yan para ‘yong legal ang mag e-evaluate at magba-validate. At kung ano ‘yong makikita nilang violation doon, gagawan naman namin ng aksyon ‘yon,” anya pa.
Payo ni Valmocina sa mahigit 42,000 barangay, maging mapanuri at mapagmasid.
“Kung meron mga ilang grupo na sabihin natin nangha-harass o nananakot o gumagamit ng impluwensya, pwedeng mag-investigate ang barangay at gumawa ang report,” pagtatapos ng DILG official.
