
MARIING ipinahayag ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang kanyang buong suporta sa Philippine National Police (PNP), gayundin kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa matatag na paninindigan sa gitna ng mga espekulasyong layong basagin ang hanay at kwestyunin ang kanilang katapatan.
Ayon kay Goitia, ipinamalas ni Nartatez sa kanyang pagtanggi sa tinatawag na “loyalty check” na nananatiling buo, disiplinado, at tapat sa Republika ang pambansang pulisya.
“Ang tunay na katapatan ay hindi sinasabi sa salita kundi ipinapakita sa gawa,” ani Goitia. “Ipinakita ni General Nartatez at ng buong PNP na ang kanilang paninilbihan ay hindi para sa politika o personalidad, kundi para sa sambayanang Pilipino at sa Saligang Batas.”
Pinuri rin ni Goitia ang PNP sa propesyonalismong walang tinag sa ingay ng politika, at sa patuloy na pagsuporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. “Habang ang iba ay nagpapakalat ng intriga, ang kapulisan ay tahimik na nagsisilbi. Iyan ang tunay na propesyonalismo,” dagdag pa niya.
TUNAY NA SANDIGAN
Pinuri ni Goitia ang mahinahon ngunit matatag na pamumuno ni Nartatez, na aniya’y nagpapanatili ng mataas na morale sa hanay ng kapulisan. “Hindi nasayang ang oras ni General Nartatez sa mga walang saysay na isyu. Sa halip, pinagtibay niya ang disiplina at ipinaalala sa lahat na ang tungkulin ng pulis ay magprotekta, hindi makialam sa politika,” wika ni Goitia.
Dagdag pa niya, makatuwiran ang tiwalang ibinibigay ni Pangulong Marcos sa kasalukuyang liderato ng PNP. “Alam ng Pangulo na maaasahan niya ang PNP sa pagtataguyod ng kaayusan at integridad. Ang tiwalang ito sa pagitan ng Commander in Chief at ng kapulisan ay mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan at maisulong ang reporma,” ani Goitia.
KONTRA KORAPSYON
Ikinonekta rin ni Goitia ang pagkakaisa ng PNP sa mas malawak na kampanya ng Pangulo laban sa korapsyon. “Hindi mo matatalo ang korapsyon kung watak-watak ang puwersa. Ang lakas ng PNP ay nasa pagkakaisa at kredibilidad nito. Bawat audit, bawat reporma, at bawat pagpapanagot sa may sala ay gawaing may tapang at konsensya,” paliwanag niya.
Nanawagan din hepe ng pambansang pulisya sa publiko na suportahan ang kapulisan sa halip na pagdudahan ito. “Araw-araw ay isinusugal ng ating mga pulis ang kanilang buhay para sa ating kaligtasan. Nararapat lamang na sila’y pagkatiwalaan at igalang. Sa pamumuno ni General Nartatez, naniniwala akong mananatiling marangal, malinis, at tapat sa serbisyo ang PNP,” dagdag pa ni Goitia.
PARA SA BAYAN
Sa pagtatapos, nanawagan si Goitia ng pagkakaisa at pagtutulungan. “Panahon na para magkaisa, hindi maghinala. Dapat magkasamang kumilos ang PNP, ang Sandatahang Lakas, at ang sambayanang Pilipino sa likod ni Pangulong Marcos. Ang katapatan sa Republika ay katapatan sa kapayapaan, sa katarungan, at sa mabuting pamamahala. Ipinakita ng PNP kung saan talaga sila naninindigan — para sa Pangulo, para sa mamamayan, at para sa bansa,” mariing sinabi ni Goitia
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon — Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.