Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA ikalimang pagdinig ng House Quad Committee, mismong si resigned police colonel Police Col. Royina Garma ang umaming malapit siya kay former President Rodrigo Duterte at noo’y special assistant Bong Go kaya siya nag-apply bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Nang usisain ni House Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Pammy Zamora, sinabi ni Garma na isinumite niya kay Go ang kanyang application at sumulat din siya kay Duterte hinggil sa tinatarget niyang posisyon sa government charity institution.
“Lahat po ng pulis sa Davao kilala si Sen. Bong Go… Wala pong pulis na hindi nakakakilala sa kanya, lalo na po officers,” pag-amin ng kontrobersyal na police colonel.
Matapos isumite ang aplikasyon kay Go, sinabihan umano siya ng ngayo’y senador na rerepasuhin muna ng appointing authority ang mga dokumentong pagbabatayan sa paghirang sa kursunadang pwesto.
“Babasahin ni President, and obviously nabasa niya kasi ikaw ang napiling General Manager, tama po ba?” tanong ni Zamora na nakakuha ng positibong sagot mula kay Garma.
Matapos italaga sa pwesto bilang PCSO general manager, personal din umano siyang inatasan ni Duterte sa mga dapat gawin sa naturang ahensya ng pamahalaan.
Sa mga unang pagdinig ng Quad Comm, apat na testigo ang nagtuturo kay Garma na di umano’y nasa likod ng pagpatay sa tatlong nakakulong na Chinese drug lord sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Ang pagpatay sa tatlong nakakulong na Chinese nationals ay bahagi na ng mga ebidensyang patunay sa mga extrajudicial killings na kalakip ng kontrobersyal na giyera kontra droga ni Duterte.
Ang imbestigasyon noong Huwebes ay hindi ang unang pagkakataon na nabanggit ang pangalan ni Go. Unang lumutang ang pangalan ng senador sa pagharap ni Lt. Col. Jovie Espenido na itinuturing na “poster boy” ng giyera kontra droga ni Duterte, na binigyan di umano ng gantimpala sa kada ulo ng namatay na drug suspect.
Ang binabayad umanong reward ay galing sa POGO, jueteng, small town lottery, at sa intelligence fund ng gobyerno at ibinababa mula sa lebel ni Go. Ayon kay Espenido P20,000 ang reward sa bawat napapatay.
Sa mga panahong nasa serbisyo pa ang former PCSO official, nagpalipat-lipat ng pwesto sa Davao PNP si Garma bago idinestino sa Cebu City Police.
Sa isang bahagi ng pagdinig, inamin ni Garma na nakakadirekta siya kay Duterte sa Malacañang sa pamamagitan ni Go.
Nagtanong si Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, isang dating police general, kung sino sa mga pulis ang pinakamalapit kay Duterte noong nasa pwesto pa ang dating Pangulo.
Sagot nina National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo at Police Brig. Gen. Noel Sandoval — kapwa kasama ni Garma sa Davao — ang noo’y PNP chief Senator Ronald dela Rosa.
“I believe otherwise, Colonel. You know why? Narinig ko na minsan ang sinabi ni Bato (dela Rosa), meron pang isang opisyal na mas malapit sa tenga ni former President Rodrigo Roa Duterte,” tugon naman ni Acop.
“Madam Garma, you have always denied na close ka sa Presidente. Pero there had been reports na ikaw, nakakadiretso do’n sa Malacañang basta dumaan ka kay Senator Bong Go. Would that be correct?” tanong pa ng Antipolo City solon.
“Yes, your Honor,” sagot naman ni Garma.
Si Garma ay na-cite in contempt at pinatawan ng pagkakakulong sa detention center ng Kamara dahil nagsisinungaling umano at hindi sinasabi ang buong katotohanan, sa mosyon na rin ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, chairman ng House Committee on Public Accounts at naniniwalang may ‘special relationship’ sa pagitan ng former PCSO oficial at dating Pangulo.
Nilinaw naman ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng Committee on Dangerous Drugs at overall chair ng Quad Committee, na maaaring mapaaga ang paglabas ni Garma kung patuloy na makikipagtulungan sa komite.
“If she changes her mind and she suddenly cooperates, then the committee will be more than willing to accommodate her motion for reconsideration,” sambit ni Barbers.
