
Ni ESTONG REYES
KUNG pagbabatayan ang bilang ng mga senador na kontra sa isinusulong na Charter Change ng administrasyon, pihadong hindi lulusot, ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Ayon kay Pimentel, kailangan makakuha ng 18 boto sa kanilang hanay para pagtibayin ang Resolution of Both Houses No. 6 na naglalayong amyendahan ang ilang probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution.
“Baka nga ngayon mayrong walo,” ani Pimentel sa isang panayam sa radyo.
“Kung mabawasan, puwedeng pito,” dagdag ng senador na naniniwalang hindi magtatagumpay ang panibagong tangka para sa ChaCha.
Bukod sa kanya, kabilang aniya sa nagpahayag ng disgusto sa ChaCha sina Senadora Cynthia Villar at anak na si Mark Villar, gayundin si Senadora Risa Hontiveros.
“Ang dami-dami nang problema gusto pa natin haluan ng unnecessary at the moment,” ani Pimentel.
Pangamba ng mga senador na kontra ChaCha, hindi lang economic provisions ang target pakialaman sa 1987 Constitution.
“Gusto nila manatili sa pwesto kaya isa sa plano nila (pro-ChaCha), lusawin ang Senado.”