MALAKING dagok sa kredibilidad ng isang testigo ang pabago-bagong sagot bunsod ng pagiging malilimutin. Sa lingguhang Saturday News Forum, partikular na tinukoy ni private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr. ang pag-amin ng ilang defense witnesses na hindi na maalala ang detalyeng may kaugnayan sa sariling testimonya sa isinasagawang paglilitis ng Senate impeachment court kay Vice President Sara Duterte. Para kay Tolosa, hindi katanggap-tanggap ang “selective memory” bilang palusot lalo pa’t may direktang kinalaman ang testigo sa mga detalyeng hanap ng korte. “Depende yan sa tanong at kung dapat ba talagang maalala ng testigo yung bagay na yun,” ani Tolosa. “If it’s so obvious na dapat maalala mo itong bagay na ito, hindi maalala, then it could really affect your credibility,” dugtong ng abogado. Ayon kay Tolosa, nakakaapekto rin sa pagtatasa ng testimonya kung pabago-bago ang sagot ng testigo. “Kung medyo nag-flip-flop yung witness, then it goes into his credibility and truthfulness.” Kumbinsido rin si Tolosa na maaaring kuwestiyunin kung tapat at kapani-paniwala ang mga sagot ng testigo sa ilalim ng mga pangyayari. Samantala, hiwalay na tinalakay ni Tolosa ang pag-atras ng depensa sa mga testigo mula sa bangko at ang saklaw ng bank records na hiningi ng prosekusyon. Aniya, ang subpoena request ng prosekusyon para sa bank records nina Duterte at ng asawa nitong si Atty. Manases Carpio ay dapat kasama rin ang foreign currency deposits. “Kasama ho dapat dyan sana yung foreign currency deposits,” aniya. “But hindi na ho yung napagbigyan ng korte.” Una nang nagpasya ang senate impeachment court na peso accounts lamang ang sakop ng nakuhang deposit records. Nilinaw din ni Tolosa na may mga foreign-currency transaction na makikita sa rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) — bukod pa sa karagdagang bank deposit records na nais sanang siyasatin ng prosekusyon sa pamamagitan ng BPI witness, na hindi na pinasipot ng depensa. Sa kabila ng limitadong saklaw ng bank records, nanindigan si Tolosa na matibay pa rin ang ebidensyang pinansyal na nailatag na ng prosekusyon sa impeachment court. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Garin: Paglilitis kay Duterte, tapos bago sumapit Pasko