
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BAHAGYANG napawi ang pagdadalamhati ng mga pamilya ng mga overseas Filipino workers matapos tiyakin ng isang mataas na opisyal ng Kuwait na magbibigay ng karampatang tulong ang pamahalaan ng naturang bansa sa mga naulila at mga nasaktang manggagawa sa sunog na naganap kamakailan sa lungsod ng Mangaf.
Ayon kay Kabayan partylist Rep. Ron Salo, mismong si First Deputy Prime Minister of Kuwait at concurrent Minister of Defense and Interior, His Excellency Fahad Yousuf Saud Al-Sabah ang nagbigay katiyakan na hindi pababayaan ang mga OFWs sa naturang bansa.
Kabilang aniya sa mga aayudahan ang pamilya ng tatlong OFWs na nasawi at dalawa pang nasa kritikal na kondisyon bunsod ng trahedyang kumitil na 49 katao.
Aniya, nangako si Fahad ng US $15,000 sa pamilya ng bawat nasawing biktima, sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Kuwait, bukod pa sa insurance benefits at mabilis na pag-uwi sa Pilipinas ng mga labi.
“We thank His Excellency Fahad and to the Kuwait Government for the financial assistance to the families of the OFW victims. It is a resounding proof of Kuwait’s Government’s genuine concern on the welfare of our kababayans working in Kuwait,” wika ng kongresista.
Nagpaabot din ang Kabayan partylist lawmaker ng kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng tatlong biktima, kasabay ng pagpapasalamat sa Philippine Embassy officials sa Kuwait, sa pangunguna ni Ambassador Jose ‘Pepe’ Cabrera, at Department of Migrant Workers (DMW) Labor Attache Atty. Manuel Dimaano sa maagap na pagtugon at pagtulong sa biktimang Pinoy.

Kapwa kasama ni Salo sina Ambassador Cabrera, Labor Attache Dimaano at former Representative Paul Hernandez sa courtesy call kay His Excellency Fahad.
Si Salo ay kasalukuyang nasa Middle East para makipag-ugnayan sa mga OFW sa Dubai, Abu Dhabi, Kuwait at Qatar para alamin ang sitwasyon ng mga OFWs sa bansang pinagtatrabahuhan.
“Facing numerous challenges such as cultural differences and the emotional pains of being separated from their families, our OFWs deserve our support and assistance, and to make them feel that we are here for them. It is the least that we can do as they make sacrifices for their families back home.”