
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MATAPOS tukuyin bilang punong tagapangasiwa sa likod ng reward system na kalakip ng madugong giyera kontra droga, pinag-iisipan na di umano ngayon ni dating National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo na isiwalat na rin ang lahat ng nalalaman kaugnay ng sistematikong patayan sa nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na tumatayong co-chairman ng quad comm, posibleng isalang sa susunod na pagdinig and dating Napolcom chief.
“Until such time that Col. Leonardo would submit to us an affidavit, doon namin siya isasalang,” wika ni Abante.
Sakali aniyang kusang-loob na magsumite ng testimonya si Leonardo, mas titibay ang mga ebidensyang magpapatunay ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Una nang kinumpirma ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma ang pangangalap ng pondo ng nakaraang administrasyon para sa implementasyon ng madugong giyera kontra droga. Gamit ang pondo mula sa illegal POGO at intelligence funds, naglaan ng pabuya ang gobyerno sa mga operatibang nagsilbing berdugo sa mga pinaniniwalaang sangkot sa kalakalan ng droga.
Umaasa rin ang Manila solon na ilalahad ni Leonardo lahat ng detalye sa kanyang ginampanang papel sa kampanya kontra droga ng nakalipas na administrasyon.