Ni Estong Reyes
IPINASASAMA ni Senador Grace Poe sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at telecommunications companies na isama ang ‘live selfie’ sa requirements upang maiparehistro ang Subscriber Identity Module (SIM) card.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na kailangan magsumite muna ng ‘live selfie’ ang sinumang magpaparehistro ng SIM card, bago simulan ang proseso upang maiwasan ang panloloko at scamming.
Aniya, dapat maging bahagi ng implementing rules and regulation ang selfie o litrato ng nagpaparehistro na siya mismo ang kumuha, ng Republic Act 11934 o ang SIM Registration Act.
“Kahit nandyan na ang SIM Registration law, hindi nawala ang scammers. Kaya pakiusap ko na isama na ang live selfie sa requirement ng registration,” ayon kay Poe.
“Ang batas ay ginawa para mas pangalagaan ang ating mga kababayan laban sa mga manloloko,” dagdag niya.
Muling iginiit ni Poe, chairman ng Senate public services committee ang panawagan hinggil sa selfie requirement matapos ibulgar ng National Bureau of Investigation na nakapagparehistro ng SIM ang ilang tauhan nito gamit ang pekeng government ID na naglalaman ng litrato ng isang unggoy.
Bago ito, nagsagawa ng paglusob ang awtoridad sa sinasabing cybercrime hubs na nanakumpiska ng libu-libong SIM cards na naiparehistro at naglalaman ng e-wallet na ginagamit sa scam operations.
Ayon kay Poe, awtor at isponsor ng batas, kanyang inaasahan ang National Telecommunications Commission na makapagpalabas ng mas malakas na IRR na epektibong susugpo sa scams.
“We have seen that fake government IDs can get through the telcos’ system. The selfies will be an added line of defense in the SIM verification process,” aniya.
Pero, ipinaalala rin ni Poe sa ahensiya na dapat matiyak sa IRR ang proteksiyon ng subscriber laban sa privacy violations.
Hinikayat din ni Poe ang telcos na gumawa ng hakbang upang maging madali para sa subscriber na tugunan ang selfie requirements, partikular sa malalayong lugar at walang internet. Dapat din makipagtulungan ang ahensiya ng pamahalaan at telcos sa pagtugis sa indibidwal o grupo na gustong baluktutin ang batas upang maipagpatuloy ang illegal activities nito.
“Hindi simpleng registration ang pakay ng batas na ito. Pagsisiguro ito na ang perang naipon ng ating mga kababayan ay hindi mananakaw ng manloloko gamit mismo ang SIM,” ayon kay Poe.