
HINDI na makapangingisda ang mga Pinoy sa Scarborough Shoal dahil sa umano’y patuloy na presensiya ng barko ng China doon, ayon sa Armed Forces of the Philippines.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar na tila iniinsulto ng China ang Pilipinas sa pagbabawal ng mga ito na mangisda sa Scarbough Shoal o Panatag Shoal.
“May mga lugar naman na nakakapangisda ang ating mga kababayan, pero hindi doon sa lugar na kung saan mas nasasabi nilang maraming isda, katulad sa Scarborough Shoal,” sabi ni Aguilar.
“Hindi na sila makapasok dahil nakaharang na ‘yung mga maritime militia at saka mga Coast Guard vessel ng China doon,” ayon pa rito.
Nauna nang idinemanda ng gobyerno ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong 2013 kung saan pumanig ang korte sa Pilipinas noong Hulyo 2016.
Ibinasura rin ng korte ang sinasabi ng China na nine-dash claim sa South China Sea.
Sa naturang desisyon ng korte, sinabi na maaaring makapangisda ang mga Pinoy sa Scarborough Shoal dahil ito ay fishing ground na hindi maaaring ipagbawal sa mga mangingisdang Pinoy.
Ipinagtibay din ng The Hague court na ang Spratly Islands, Panganiban (Mischief) Reef, Ayungin (Second Thomas) Shoal, at Recto (Reed) Bank sa kaop ng Philippine exclusive economic zone.
Gayunman, paulit-ulit itong binabalewala ng Beijing.
“Parang iniinsulto na tayo sa kanilang ginagawa na alam naman nila na walang basehan ang kanilang claim ng territory,” patutsada pa ni Aguilar.