SA gitna ng iringan at palitan ng pasaring sa pagitan ng Senado at Kamara kaugnay ng panukalang legislated wage hike, iminungkahi ni Senador Win Gatchalian ang isang solusyon — tax exemptions para sa mas malaking halaga ng take home pay ng mga manggagawa.
Partikular na isinusulong sa panukala ni Gatchalian pataasin ang income tax exemption sa P400,000 ng taunang kita mula sa kasalukuyang P250,000, at pagtaas ng cap ng mga bonus na hindi pinapatawan ng buwis sa P150,000 mula sa P90,000.
“Ang mga manggagawang Pilipino ang laging bumabalikat sa ekonomiya. Panahon na upang tulungan natin sila sa kanilang pakikipaglaban para sa mas magandang buhay,” pahayag ni Gatchalian.
Layunin din aniya ng panukalang batas alisin ang buwis sa service charge na natatanggap ng mga empleyado sa industriya ng serbisyo tulad ng nagtatrabaho sa restaurant, buwis sa karagdagang bayad na natatanggap tulad ng overtime pay, holiday pay, night shift differential pay, hazard pay, at buwis sa honoraria at allowances ng poll worker.
Hangad din umano ng legislative proposal ipatupad ang ilang reporma sa buwis tulad ng pagpapahintulot ng karagdagang 50% na bawas para sa labor expenses ng mga micro taxpayer, pagpapahintulot sa mga diskwento na ibinibigay sa mga may kapansanan, senior citizen, at solo parent na pwedeng magamit bilang tax credits; at exemption ng micro players sa requirement na i-withhold ang tax. (ESTONG REYES)
