HINDI angkop ilantad sa peligro at masamang bisyo ang tinaguriang pag-asa ng bayan, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno kasabay ng implementasyon ng curfew hours para sa mga menor de edad.
Sa bisa ng Executive Order No. 2, mahigpit na ipinagbabawal sa mga kabataang edad 17-anyos pababa, na manatili sa mga pampublikong lugar mula alas 10:00– ng gabi hanggang alas 4:00 ng madaling-araw.
Para tiyakin ang proteksyon ng mga kabataan, inatasan rin ni Moreno ang Manila Department of Social Welfare na manguna sa implementasyon ng bagong polisiya.
Ayon sa alkalde, ang naturang hakbang ay naglalayong linisin ang mga kalsada sa mga menor de edad na madalas umanong nasasangkot sa mga rambol, gang war at karahasan.
Dapat rin aniyang ilayo ang mga kabataan sa masamang bisyo tulad ng droga, sugal at iba pa. (ITOH SON)
