HALOS hindi magkamayaw ang mga doktor at nars sa mga pagamutan sa lalawigan ng Antique dahil sa biglang dagsa ng mga estudyanteng umano’y nakalanghap ng kemikal habang nasa paaralan.
Sa kalatas ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), umabot sa 300 estudyante mula sa Pis-Anan National High School (PNHS) at Pis-Anan Elementary School (PES) ang dinala sa pagamutan sanhi ng pagkalason sa hangin.
Ayon kay IPHO Information Officer Irene Duldoco, 107 mag-aaral ang nananatili sa sa Ramon Maza Sr. District Hospital (RMSDH) sa bayan ng Sibalom, habang 29 na iba pa ang nasa Angel Salazar Memorial General Hospital sa San Jose de Buenavista pa rin habang sinusulat ang balita.
Kwento ng isang guro, ng PNHS, nagsimulang magreklamo ang mga estudyante ng matinding baho bandang alas 7:00 ng umaga, na kalauna’y naging dahilan ng pagkahimatay ng ilan.
Nakipag-ugnayan na ang IPHO sa Department of Health-Center for Health Development 6 (DOH-CHD 6) para sa toxicologist upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.
