Ni JAM NAVALES
MAS marami pang mamamayang Pilipino ang maaaring matulungan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa sandaling ganap na maisabatas ang House Bill 9277.
Ayon kay AnaKalusugan partylist Rep. Ray Reyes, target ng HB 9277 tapyasan ang halaga ng Documentary Stamp Tax (DST) na ipinapataw sa lottery tickets at horse racing bets ng PCSO.
Partikular na tinukoy ni Reyes ang inaasahang paglobo ng Medical Access Program (MAP) ng naturang ahensya kasunod ng pag-apruba ng Kamara sa HB 9277 o ang Capital Markets Efficiency Promotion Act, na naglalayong amyendahan ang Tax Code.
Paliwanag ni Reyes, isa sa pangunahing may-akda ng HB 9277, gagawing 0.1 percent, mula sa kasalukuyang 0.6 percent ang stock transactions tax gayundin ang ipinapataw na DST sa PCSO na bababa sa 10 porsyento mula 20 percent.
Batay sa datos na nakalap ng AnaKalusugan partylist lawmaker, umabot sa P18.3 bilyon ang PCSO charity fund noong nakalipas na taon.
Gayunpaman, 30 posyento lang ng naturang alokasyon ang naipamahagi bilang tulong sa mga nangangailangan.
Ani Reyes, tumataginting na P12.2 bilyon (katumbas ng 67 percent) ang napunta sa pagbabayad ng DST.
Dahil dito, tinatayang 11 percent lamang ng nabanggit na pondo ang nailaan sa MAP, o katumbas ng P2 billion.
Sa deliberasyon ng HB 9277, ani Reyes, inihayag ng PCSO na kung mababawasan ng DST sa kanilang lottery tickets at horsing racing bets, maaaring tumaas ng P4 billion ang kanilang pondo para sa pagkakaloob sa tulong medikal sa sambayanang Pilipino.
“For this year, 2024, PCSO is estimating that P14 billion will be spent on DST and only P1.68 billion will be used for beneficiaries of the Medical Access Program. This is why we are proposing a tax reduction. Once approved, we are expecting an additional P3 billion will be added to the program, giving it a total of P4.9 billion,” sabi pa ng Reyes, na siya ring vice chairperson ng House Committee Health.
Sa botong 270 na mga kongresista ang pabor, tatlo lang ang tumutol at isang abstention, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 9277 kung saan umaasa si Reyes na ang counterpart bill sa Senado ay agad na mapagtibay para sa agarang implementasyon.
