PANIBAGONG kasong kriminal ang isinampa laban sa isang construction company na una nang nadawit sa ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang paghahain ng kasong tax evasion laban kay Mark Allan Villamor Arevalo na lumalabas na may-ari ng Wawao Builders.
Sa datos ng BIR, tumataginting na P48.39 milyon ang tax deficiency na kalakip ng nadiskubreng “ghost project” sa Malolos City sa Bulacan.
Ayon sa BIR, nilabag ng Wawao Builders ang National Internal Revenue Code dahil sa maling deklarasyon ng income tax at VAT returns para sa una at ikalawang quarter ng 2024.
Ayon sa ahensya, may kontrata ang Wawao Builders para sa pagtatayo ng riverbank protection structure sa Barangay Caingin na nagkakahalaga ng P77.20 milyon. Bagamat nakasingil sa pamahalaan, wala naman anilang imprastrakturang ginawa, batay sa isinagawang inspeksyon ng Commission on Audit (COA).
Samantala, tiniyak ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na patuloy ang pagsusuri sa iba pang construction companies na dawit sa flood control scandal.
Sa kabuuan, umabot na sa labintatlong kaso ang isinampa ng BIR kaugnay ng mga kuwestiyunableng flood-control projects na may tinatayang P8.92 bilyong posibleng pananagutan sa buwis. (JULIET PACOT)
