ISANG buwan na ang nakalipas nang idawit ng puganteng kongresista ang tatlong matataas na opisyal ng Malakanyang sa malawakang katiwalian sa likod ng tinaguriang flood control scandal, kapansin-pansin ang pananahimik ni Ombudsman Crispin Remulla.
Dangan naman kasi, higit na kilala si Remulla sa pagiging pabibo sa lahat ng usapin sa lipunan na tila ba siya lang ang may angking kakayahan. Sa kanyang katabilan, marami ang kanyang idiniin nang hindi man lang dumaan sa imbestigasyon ng kanyang tanggapan.
Sa usapin ng flood control scandal, hindi siya nagmimintis sa pagharap sa media. Sa madaling salita, palagi siyang bida — sa telebisyon, radyo at mga peryodiko.
Pero gaano man kahusay ang kanyang bokadura, hindi talaga maiiwasan ang paminsan-minsang pagpalya, tulad na lang nang kanyang paandar laban kina Executive Secretary Lucas Bersamin, Budget Secretary Amenah Pangandaman, at Presidential Legislative Liaison Office Undersecretary Adrian Bersamin.
Sa ilang panayam sa media, paulit-ulit ang kanyang litanya — “guilty” ang tatlong dating opisyal ng Palasyo.
Pero teka, hindi ba’t tagausig lang ang Ombudsman? Bakit niya sinabing guilty ang mga nagbitiw na opisyales na para bang siya din ang hukuman?
Bigla kong naalala ang wika ng aking yumaong ina — ang tao ay tulad ng isang lata, maingay kapag walang laman. Ganyan si Remulla, sagana sa dada, wala naman yatang hawak na pruweba.
Bagamat agad na kumambyo sa Remulla sa pagkakadawit ni former Executive Secretary, pinanindigan ng Ombudsman na “guilty” sina Pangandaman at ang batang Bersamin na umano’y nagkuntsabahan sa P100-billion budget insertion.
Kabisado ni Remulla ang proseso mula sa pagbalangkas ng national budget, deliberasyon sa kongreso at paglagda ng Pangulo… kasi nga dati siyang kongresista at naging Kalihim pa ng isang departamento sa ilalim ng executive branch. ng gobyerno.
Bakit kailangan magsingit ng pondo ang Palasyo habang nagsasagawa ng deliberasyon ang Kongreso? Pwede naman isalpak nila yun sa paggawa pa lang ng National Expenditure Program, di ba?
Ang masaklap, wala naman palang isinagawang imbestigasyon ang Office of the Ombudsman laban sa kanilang dalawa. At kung meron man, bakit hanggang ngayon wala man lang siyang mailabas sa media?
Ang lumalabas tuloy, giniba lang ng madaldal na ombudsman ang pagkatao ni Pangandaman at ng batang Bersamin.
Saan nga ba humuhugot ng mga buladas si Remulla? Kung ating babalikan ang nakaraan, mukhang sumasakay lang si Remulla sa mga “pasabog” ng dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co na nagtatago na sa ibang bansa, gayundin sa kwento ni former Usec. Roberto Bernardo.
Hindi ba’t kabilang ang dalawang kumag na yan sa mga kapural sa likod ng flood control scandal? Hindi ba’t sila ang nagtamasa nang bongga sa pondong inilaan para pigilan ang pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa?
Malinaw ang motibo nina Co at Bernardo sa pagdawit ng ibang tao — iwas-pusoy.
Dapat siguro balikan ni Remulla ang mandatong kalakip ng kanyang pwesto. Ang Ombudsman tumatayong tagausig ng pamahalaan. Hindi yan hukuman at lalong hindi entablado para magpasikat sa sambayanan. Palibhasa epalloid!
