HINDI limitado kina Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin ang nadiskubreng bulilyaso sa confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa panahon ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Rep. Paolo Ortega V (La Union), may mga bagong pangalan ang binubusisi sa financial report na isinumite ng kampo ng bise-presidente hinggil sa mga indibidwal na tumanggap ng bahagi ng P612.5-milyong confidential funds ni VP Sara.
Para kay Ortega, ang mga karagdagang pangalan ay patunay aniya na may “Budol Gang” sa loob ng mga tanggapan na hawak ng pangalawang pangulo ng bansa.
Ayon kay Ortega, matapos ang “pamilya chichirya,” sa pangunguna ni Mary Grace Piattos, lumabas sa mga ebidensyang nakalap para sa impeachment trial na nakabahagi din ng confidential fund sina “Jay Kamote,” “Miggy Mango,” at limang alyas “Dodong.”
Sinabi ni Ortega na ang pagkakatuklas ng mga kaduda-dudang pangalan ay nagpapalakas sa alegasyon na hindi ginamit ng tama ni VP Sara ang kanyang confidential fund.
Batay sa mga ebidensyang nakalap House prosecution team mula sa isinumiteng acknowledgment receipts ng OVP, binigyan ng confidential fund sina Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, at Dodong S. Barok bukod kina “Jay Kamote” at “Miggy Mango,” na hawig ang pangalan sa isang root crop at prutas.
“Una, may chichirya at cellphone. Ngayon, may prutas at kamote na. At higit sa lahat, mukhang ‘Dodong Gang’ na ito! Hindi lang isa, hindi lang tatlo — limang Dodong ang nasa listahan,” ani Ortega.
Ang mga pangalang ito ay sumunod sa naunang pagsisiwalat ng umano’y mga pekeng tumanggap ng pondo tulad nina “Mary Grace Piattos,” “Pia Piattos-Lim,” at “Renan Piattos,” na ang mga apelyido ay tila ginaya mula sa isang kilalang brand ng chichirya, pati na rin ang “Xiaomi Ocho,” na katunog ng isang sikat na smartphone.
Tulad ng mga naunang kahina-hinalang pangalan, ang “Jay Kamote,” “Miggy Mango,” at ang limang “Dodong” ay walang rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan sa Philippine Statistics Authority (PSA), ngunit lumitaw sa confidential fund reports ng OVP.
Nauna nang inilantad ng PSA ang kaduda-dudang katangian ng confidential fund disbursements sa ilalim ni VP Sara. Sa 1,992 na sinasabing tumanggap ng pondo, lumabas sa talaan na 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records, at 1,593 ang walang death records.
“Anong klaseng payroll ito? Imaginary? Hindi natin matukoy kung totoong tao ba ang mga tumanggap ng perang galing sa CIF,” giit ni Ortega.
Ang mga PSA certifications, na may petsang Disyembre 8 at Disyembre 11, 2024, ay isinumite sa House Committee on Good Government and Public Accountability o Blue Ribbon Committee, at ngayon ay isa nang pangunahing bahagi ng kasong impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.
Iginiit ni Ortega na higit pang nagpapatibay ng mga ebidensyang ito ang kaso ng impeachment, na nakasentro sa umano’y maanomalyang paggamit ng P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng OVP at Department of Education (DepEd), kung saan dating nanungkulan si Duterte bilang Kalihim.
“Hindi lang ito kapabayaan—ito ay isang maingat na planong paglustay sa pondo ng bayan. Peke ang mga pangalan, peke ang liquidation, at peke ang pananagutan,” ani Ortega. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
