MATATAG pa rin ang kapit ni ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo sa unang pwesto ng tinaguriang Magic 12 para sa senatorial race na kalakip ng nalalapit na halalan sa Mayo, batay na rin sa pinakahuling survey ng OCTA Research.
Sa Tugon ng Masa survey ng naturang research firm, na isinagawa sa pagitan ng Pebrero 22 hanggang 28, si Tulfo pa rin ang rank number 1 sa hanay ng mga kandidato para sa pagka-senador.
Ito’y matapos na makakuha ang dating Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 100% awareness at 66% na voting preference.
Bukod sa Octa Research, nangunguna rin umano si Tulfo bilang top choice ng mga Pilipino sa iba pang mga political survey na pinangasiwaan ng mga kilalang research firms tulad ng Social Weather Stations (SWS), WR Numero, Pulse Asia, at iba pa.
Nagpasalamat naman si Tulfo sa pag-agos ng suporta para at patuloy na pagtangkilik sa kanyang mga adbokasiya para sa pagpapabuti ng bansa.
“Ang patuloy na suporta at pagmamahal ng ating mga kababayan sa atin at sa ating mga adbokasiya ay nagsisilbing lakas ko upang magpatuloy sa pagtatrabaho sa Kongreso bilang kakampi ng mga inaapi,” pahayag ng mambabatas.
Ang pinakahuling OCTA Survey ay isinagawa sa 1,200 na mga respondent kung saan nakatala ang 12 napupusuang kandidato sa posisyon ng sendor. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
