
SA gitna ng agresibong kampanya laban sa nabunyag na ilegal na aktibidades sa likod ng operasyon sa mga offshore gaming hubs, nanawagan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mga lokal na pamahalaan na tumulong para tuluyang lansagin ang illegal POGO.
Partikular na target ng PAOCC ang naglipanang scam farm na nambibiktima sa milyon-milyong Pilipino.
Hirit ni PAOCC spokesperson Winston Casio sa Department of the Interior and Local Government (DILG), maglabas ng direktiba sa mga punong ehekutibo ng 82 lalawigan, 148 lungsod at 1,486 na munisipalidad kung saan di umano nakabase ang mga scam farms.
Kasabay nito, kinastigo rin ng tagapagsalita ng PAOCC ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) dahil sa kawalan ng kakayahan bantayan ang mga offshore gaming operators na binigyan ng lisensya.
Aniya, hindi limitado ang mandato ng Pagcor sa pagbibigay at kanselasyon ng permit sa mga bulilyasong POGO. Para kay Casio, bigo ang Pagcor makipag-ugnayan sa iba pang ahensya tulad ng Bureau of Immigration, DILG at mga lokal na pamahalaan kung saan nakatala at matatagpuan ang mga binawian ng lisensya.
Una nang inamin ng Pagcor na may 250 POGO ang patuloy na nag-ooperate kahit kanselado na ang permit mula sa naturang ahensya.