TINIYAK ng Nacionalista Party (NP) ang suporta ng partido sa mga itutulak na panukalang magbibigay-daan para sa malakas na ekonomiya ng bansa, reporma sa pamamahala at kapakanan ng mga maralita.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ng pamunuan ng NP ang suporta sa 2025 legislative agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin sa direksyon ni House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kina Deputy Speaker Camille Villar (Las Piñas City), House Committee on Dangerous Drugs Chairman Rep. Robert Ace Barbers (Surigao del Norte) at House Committee on Accounts Vice Chairperson Eleandro Jesus Madrona (Romblon), nakatuon ang mga prayoridad na 19th Congress’ sa Bagong Pilipinas agenda na naglalayong tugunan ang mga mahahalagang usapin sa bansa gaya ng pagpapalakas sa ekonomiya, pagkakaroon ng institutional reforms at pagpapabuti sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.
“Speaker Romualdez’ leadership ensures na ang bawat hakbang natin sa Kamara ay may direksyon at malinaw na layunin para sa ikabubuti ng lahat,” wika ni Barbers.
“Siya ang nangunguna sa pagbibigay diin sa pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat ng political parties,” dagdag ng Mindanaoan solon.
Binigyan-diin naman ni Villar ang pamumuno ni Romualdez na nagsusulong ng mas masiglang ugnayan at pagkakaisa ng bawat partido sa Kamara at siyang malaking dahilan kung bakit matagumpay na naisulong ang mga mahahalagang batas at iba pang programa.
“With Speaker Romualdez at the helm, we’ve proven that unity in Congress can lead to great outcomes. Ang masipag at masinsin niyang trabaho ang gumagabay sa atin para maipasa ang mga batas na may tunay na benepisyo sa ating mga kababayan,” ani Villar.
Sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez, nakapagtala ang Kamara ng “record-breaking accomplishments” kanilang ang pagpapatibay ng 27 sa 28 Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority measures.
Pasok sa naturang talaan ang Anti-Financial Accounts Scamming Act, ang VAT on Digital Transactions at Self-Reliant Defense Posture Act.
“Bilang tagapamuno ng Kamara, si Speaker Romualdez ay nangunguna sa pagtutulak ng tunay na reporma para sa ating bansa. Hindi lamang ito tungkol sa dami ng naipasang batas kundi sa kalidad at benepisyo ng mga ito sa sambayanang Pilipino,” ang hirit naman ni Madrona.
Dahil aniya sa mahusay na pamamahala ni Romualdez nagkaroon ng magandang kooperasyon sa hanay ng mga mambabatas na nagbigay daan sa pagpasa ng 60 sa inilinyang 64 priority measures ng Common Legislative Agenda (CLA) tulad ng SIM Registration Act, Maharlika Investment Fund Act at Regional Specialty Hospitals Act.
“He promotes camaraderie and unity among lawmakers, enabling us to focus on what truly matters – serving our citizens and passing legislation that improves their lives,” sambit ni Villar.
“Makakaasa ang ating mga kababayan na ang Kamara, sa pamumuno ni Speaker Romualdez, ay patuloy na magpapasa ng mga batas na may direktang pakinabang sa kanila,” dugtong ng lady deputy speaker.
“Ang Nacionalista Party ay mananatiling katuwang sa pagbuo ng mga batas na tumutugon sa mga pangangailangan ng bawat Pilipino. We are fully aligned with their vision for progress,” mariing pahayag naman ni Barbers.
“Our achievements are proof that when we work together under strong and inspiring leadership, we can accomplish great things for the Filipino people. Sa tulong ng liderato ni Speaker Romualdez at sa suporta ni Pangulong Marcos, sama-sama nating isusulong ang isang Bagong Pilipinas,” pagtatapos ng House panel head. (Romeo Allan Butuyan II)
