ASAHAN ang mas mabilis na pag-usad ng kasong isinampa kaso ng mga naulilang pamilya ng mga biktima laban kay former President Rodrigo Duterte at iba pa kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Pag-amin ni dating Senador Leila de Lima, hawak na ng International Criminal Court ang dalawang star witness na magdidiin kay Duterte — sina Arturo Lascañas at Edgar Matobato na kapwa aminadong nagsilbing berdugo ni Duterte sa panahon ng pagiging alkalde.
Ayon kay de Lima, matagal nang nasa nasa protective custody International Criminal Court (ICC) si Lascañas na umaming hitman at dating miyembro ng Davao Death Squad.
Bukod aniya kay Lascañas, tinanggap na rin ng ICC ang pangangalaga kay Matobato matapos ang metikulosong pagrerebisa ng sinumpaang testimonya.
“Ang alam ko, na-access na rin siya ng ICC, and that both of them are under the protective custody of ICC, so pasado sa ICC. Importante silang witnesses para sa kanila,” ani De Lima.
Kinumpirma rin ni De Lima na nauna ring umalis ng bansa si Matobato gamit ang isang pekeng pangalan batay sa naging pahayag ng hitman sa ‘New York Times’.
Samantala, sinabi naman ng Malacañang na wala silang kinalaman sa palihim na paglabas ng bansa ni Matobato.
“Wala kaming masabi d’yan dahil we have no connection with Mr. Matobato. Whatever his purpose in going out, we cannot control that,” wika ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
