Ni ESTONG REYES
MATAPOS ang halos isang buwang pagtatago, dinakip ng Indonesian authority si dating Bamban Mayor Alice Guo sa tinutuluyang bahay sa Tangerang City sa bansang Indonesia.
Ayon kay Undersecretary Gilbert Cruz ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), dakong ala 1:30 kaninang umaga nang pasukin ng mga Indonesian Police ang pinagtataguan ng puganteng ex-mayor.
Samantala, kinumpirma rin ni Senador Sherwin Gatchalian na tapos ang paghahanap sa sinibak na alkaldeng pinaniniwalaang sangkot sa illegal POGO.
“I was just informed by the NBI that Guo Hua Ping (alyas Alice Guo), was arrested in Tangerang City, Indonesia, at 01:30 on September 4, 2024,” ani Gatchalian sa isang mensahe sa mga mamamahayag.
“She is currently in the custody of the Indonesian Police at Jatanras Mabes Polri,” dugtong ng senador.
Gayunpaman, hindi malinaw kung kasama sa dinakip ang si Wesley Guo, na kapatid ng kontrobersyal na former mayor. Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) director Jaime Santiago, ang tanging impormasyon ibinahagi ng Indonesian Police sa kanila ay ang pagdakip kay Alice Guo.
“Wala pang information kay Wesley. Kay Alice pa lang po. Ang report na dumating sa amin, nahuli na raw ng Indonesian police kaninang madaling araw…Immediately nakikipag-coordinate na tayo para mai-turn over sa atin si Mayor Alice,” aniya.
“Wala pang detalye kung paano siya nahuli. Basta ang report lang, nahuli siya ala-una ng madaling araw…Naka-detain nga po sa police ng Indonesia,” dugtong ng NBI chief.
Samantala, tiniyak ni Senador Risa Hontiveros na ipagpapatuloy ng kanyang komite ang imbestigasyon sa pagkakadawit kay Guo sa illegal POGO sa sandaling maibalik na ng NBI ang sinibak na alkalde.
Buwan ng Hulyo nang maglabas ng warrant of arrest ang Senado sa 33-anyos na Chinese national na naluklok na alkalde gamit ang pangalan ng ibang tao, bunsod ng paulit-ulit na hindi pagsipot sa pagdinig ng Committee on Women Children, Family Relations and Gender Equality.
Kabilang din sa inisyuhan ng warrant of arrest sina Dennis Lacson Cunanan, Nancy Jimenez Gamo, Shiela Leal Guo, Wesley Leal Guo, Jian Zhong Guo, Seimen L. Guo, at Wenyi Lin.
Una nang nadakip noong nakaraang buwan sa Indonesia si Shiela Guo kasama ang POGO incorporator na si Cassandra Li Ong.
