
BIRO man o hindi, obligasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) imbestigahan ang pahayag ni former President Rodrigo Duterte hinggil sa pagpapatumba sa 15 senador para makapasok ang sariling pambato.
Para kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, walang pinag-iba ang banta ni Vice President Duterte sa ginawa ng amang dating pangulo, kasabay ng hamon na maglabas ng patunay na sinisino ang pagpapatupad ng batas.
Kung naglunsad ng imbestigasyon ang NBI sa umano’y pagbabanta ni VP Sara laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez, marapat lang din suriin ang pananakot ng dating presidente.
Sa isang pagtitipon sa San Juan City, nagsalita si Duterte tungkol sa nalalapit na halalan at sa kasalukuyang komposisyon ng Senado. Mungkahi ng dating pangulo, isang radikal na paraan para manalo ang mga senatorial bets ng partido.
Sinalubong naman ng malakas na hiyawan mula sa mga taga suporta kasabay ng dagundong ng mga katagang “Kill! Kill! Kill!”
Binigyang-diin ni Adiong na hindi dapat balewalain ang mga kahalintulad na pahayag, lalo pa aniya’t masunurin ang mga panatiko ng dating pangulo.
Kahit umano sabihin ni Duterte na biro lamang ang kanyang binitawang salita, “hindi niya puwedeng itago sa joke ang pagbabanta sa mga senador.”