SA kabila ng pagiging kulelat sa mga survey, buo pa rin ang paniwala ng Alyansa ng Bagong Pilipinas na masusungkit pa rin ng administrasyon sa nalalapit na halalan ang 12 pwesto sa senado.
Ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco na tumatayong campaign manager ng alyansa, pilit na hihilahin pataas ang apat na administration senatorial candidates na kabilang sa mga pambato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Para kay Tiangco, kailangan lang ipabatid sa mga botante ang kontribusyon at pwede pang i-ambag sa bansa ng apat na kulelat.
“Dapat individually malaman ng mga kababayan natin kung ano yung nagawa at kung ano yung magagawa pa ng bawat kandidato,” paliwanag ni Tiangco.
“Sa tingin ko yung mga nahuhuli is because hindi pa nakaka abot sa ating mga kababayan yung kanilang mga achievements. Yun lang naman ang problema so dapat mapaabot nila iyan doon sa ating mga kababayan.”
Sa datos ng survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station, Pulse Asia at Octa Research, laglag sa Magic 12 sina Las Piñas Rep. Camille Villar, former Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos at reelectionist senators Lito Lapid at Francis Tolentino.
Sa apat na napag-iwanang senate bets ni Marcos, tanging si Abalos ang tumatak sa publiko bunsod ng agresibong programa sa panahon ng panunungkulan bilang Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) mula Hulyo 2022 hanggang sa magbitiw sa pwesto noong Oktubre 2024 para sumabak sa eleksyon.
