SAMPUNG araw bago ang nakagawiang maingay na pagsalubong ng bagong taon, sumipa ang bentahan ng mga paputok at mga pyrotechnic device sa iba’t-ibang social media platforms, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Para kay Gatchalian, lubhang peligroso ang pagbili ng mga paputok at pailaw na karaniwang gamit ng mga Pinoy sa pagsalubong ng bagong taon, lalo pa’t pawang katiyakan na ligtas ang mga produktong binebenta sa iba’t ibang online platforms tulad ng Facebook, Tiktok at iba pa.
Panukala ng senador, ipagbawal ang bentahan ng mga nakamamatay na paputok at mga pyrotechnic device sa iba’t-ibang social media platforms.
“Dahil patok na patok ang online selling kabilang na ang pagbebenta ng mga paputok, mahalagang maipasa ang batas na nagbabawal sa pagbebenta at pamamahagi ng mga paputok sa online platform. Kailangan itong maipatupad bago pa dumami ang mga pumupunta sa mga platform na ito para bumili ng mga paputok,” wika ni Gatchalian.
Kabilang aniya sa hayagang binebenta sa iba’t ibang social media platforms ang Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star, PlaPla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, Atomic Triangle, Judas Belt, Goodbye Delima, Hello Columbia, Goodbye Napoles, Super Yolanda, Mother Rockets, Kwiton, Super Lolo, Goodbye Bading, Goodbye Philippines, Bin Laden, Coke-in-Can, Pillbox, Kabasi, Special, Kingkong, Tuna, Goodbye Chismosa at iba pang paputok na higit sa 0.2 gramo ng pulbura ang timbang.
“Ang pagdami ng mga nagbebenta sa online platform ay nagdudulot ng mga bagong hamon, kung kaya’t ang awtoridad ay dapat magpatibay ng mga makabagong paraan upang matugunan ang mga panganib na ito. Ang pakikipagtulungan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, mga online na platform, at mga lokal na komunidad ay mahalaga upang itaguyod ang pagbabawal at isulong ang mas ligtas na mga alternatibo para sa mga pagdiriwang ng kapaskuhan at bagong taon,” aniya.
Partikular na target ni Gatchalian amyendahan ang Republic Act 7183 sa bisa ng inihaing Senate Bill 1144 (Firecrackers Prohibition Act).
Ayon sa mambabatas, bigo ang Executive Order 28 na protektahan ang mga Pilipino sa peligrong dala ng mga ilegal na paputok.
“Hindi kinakailangang magpaputok upang maramdaman natin ang saya ng selebrasyon. Isipin din natin ang nakaambang trahedya,” pagtatapos ni Gatchalian. (Estong Reyes)

Karagdagang Balita
Pork barrel scam: Enrile abswelto sa Sandigan
Reklamo laban sa mga gov’t officials tapos sa 60 araw?
Kaso vs. DPWH officials swak na sa Ombudsman