NANG pumutok ang kontrobersyal na flood control scandal, nabuhayan ang mga mamamayan sa paniwalang ang masasawata ang malawakang katiwalian sa likod ng infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa laki ng nawalang pondo, isinailalim sa imbestigasyon ang mga dorobo — kabilang ang mga kontratista, mga opisyales ng DPWH at mga kongresista sa Kamara.
Hindi biro ang P1.4-trilyon na nawala sa gobyerno. Hanggang saan ba ang mararating ng naturang halaga? Sa aking pagsasaliksik, sapat na yan para makapagtayo ng 700-bed capacity na ospital sa 82 lalawigan.
Pwede rin naman ginamit na lang ang naturang pera para magtayo ng 560,000 classroom sa mga public schools.
Kahit tumambay lang maghapon, hindi magugutom ang mga Pilipino kung gagamitin ang P1.4 trilyon para sa libreng almusal, tanghalian at hapunan sa loob ng isang taon.
Bahagyang maiibsan ang problema sa pabahay kung napunta lang sana ang naturang halaga sa socialized housing projects. Base sa pagtataya ng isang eksperto, nasa 1.6 milyong low-cost housing unit ang kayang ipatayo ng gobyerno gamit ang nawalang pondo.
Sa gitna ng kabi-kabilang imbestigasyon, lumutang ang pangalan ni dating House Speaker Martin Romualdez na pinsan ni Pangulo. Nakaladkad din sa flood control scandal ang 17 tuta ni Romualdez tulad ni ex-congressman Zaldy Co na nagresign para iwas-aberya.
Sa isang banda, hindi maiiwasan ang mga “epal” na pilit umeeksena para mapansin ng masa.
Sa dami ng nakikisawsaw sa flood control scandal, katangi-tangi si dating senador Antonio Trillanes.
Imbes na kasuhan ang mga kongresistang itinuturo ng mga ebidensya, nagbanta si Trillanes na sasampahan ng asuntong plunder si Senador Bong Go bunsod ng umano’y P7-bilyong kontrata na nasungkit ng CLTG Builders na pag-aari ng kanyang ama.
Aysus, nagmalinis pa ang kumag. Sino nga ba si Trillanes? Kung hindi ako nagkakamali, taong 2019 nang magsampa ng kasong estafa ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group laban kay Trillanes.
Susmaryosep… estafa ba kamo? Sira din pala siya sa pera.
Ang totoo, dapat lang naman managot ang mga lumapastangan sa kaban ng bayan. Pero kung susuriin natin ang motibo ng dating senador, parang may mali.
Bakit si Bong Go lang? Takot ba siya kina Romualdez at Zaldy Co? O baka naman binusog na siya ng mga dorobong siga sa Kamara.
Sa aking pananaw, malinaw na may nais maglihis sa isyu ng korapsyon na kinasasangkutan ng pinsan ng pangulo.
Tanungin kaya natin si Trillanes na tinawag na taksil ni dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Ayon kay Enrile, “binenta” ni Trillanes ang Bajo de Masinloc sa China noong 2012 sa ilalim ng administrasyon ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino.
Kung magkano, itanong nyo na lang kay Trillanes. Malay mo, baka magbigay pa yan ng balato.
