WALA nang dahilan panatilihin ang isang ahensyang nawalan ng silbi bunsod ng pagpasok ng tinaguriang digital age.
Ito ang buod ng mensahe ni Senador Sherwin Gatchalian sa inihaing panukalang batas na nagtutulak buwagin ang Optical Media Board (OMB).
“Nakatuon kasi sa mga CD at DVD ang OMB o ekonomiyang nakadepende sa disc-based piracy,” ani Gatchalian.
“Sa halip na panatilihin ang isang ahensyang ang mandato ay hindi na umaayon sa kasalukuyang panahon, mas mainam nang maglaan ng pondo sa mga ahensyang may kakayahang tumugon sa mga hamon ng makabagong teknolohiya at ng digital na ekonomiya,” paliwanag ng mambabatas.
Aniya, higit na kailangan magtipid ang gobyerno.
Sa ilalim ng Senate Bill 1654, layon ni Gatchalian ipasa na lamang ang mandato at kagamitan ng OMB sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).
Paglilinaw ni Gatchalian, walang probisyon ng sibakan sa inihaing panukala, Sa halip, iminungkahi ng senador na i-absorb ang mga empleyado ng Secretariat ng mabubuwag na OMB nang walang mababawas sa kanilang sahod at iba pang benepisyo.
Ang paglilipat ng mga tungkulin ng OMB sa IPOPHL ay inaasahang magpapadali sa pagpapatupad ng mga batas sa Intellectual Property (IP), maglilipat ng pokus sa digital piracy, at magpapalakas sa implementasyon ng batas gamit ang kasalukuyang awtoridad ng IPOPHL. (ESTONG REYES)
