MATAGAL na panahon na rin naman ako bilang peryodista. Taong 1989 nang magsimula ang aking karera sa isang maliit na peryodiko na nakabase sa Metro Manila.
Mula pa noon, itinuturing na “little president” ang sinuman itinalaga bilang executive secretary ng Pangulo.
Sa anim na taong termino (1986-1992) ni yumaong Corazon Cojuangco Aquino, dalawa ang kanyang naging executive — sina Joker Arroyo, Franklin Drilon. Sa panahon ni former President Fidel V. Ramos (1992–1998), nanungkulan bilang executive secretary sina Edgardo Angara, Ruben Torres, Alexander Aguirre, Ronaldo Zamora.
Sa maikling panunungkulan ni Joseph Estrada (1998–2001), isa lang ang kanyang hinirang na executive secretary — si Edgardo Angara. Punong katiwala naman ni Gloria Macapagal Arroyo (2001–2010) sina Alberto Romulo, Eduardo Ermita, Leandro Mendoza.
Nang maging Pangulo si Noynoy Aquino, (2010–2016), kasama niya sa anim na taon si Paquito Ochoa Jr. Sa pag-upo ni Rodrigo Duterte (2016–2022), nagkaroon siya ng dalawang executive secretaries — sina Salvador Medialdea at Leoncio Evasco Jr.
Hanggang sa nagawang bumalik sa Palasyo ng mga Marcos matapos ang landslide win ni Ferdinand Jr., sa tulong ni Vic Rodriguez na kanya naman ginantimpalaan. Siya ang hinirang bilang executive secretary. Pero dahil sa bulilyaso, agad na nalaglag sa pwesto.
Lahat ng nanilbihan bilang executive secretary ng mga nagdaang Pangulo, binigyan ng poder na nagbigay-daan sa titulong “little president.” Nang sibakin si Rodriguez bunsod ng kontrobersyal na “appointment for sale,” napagtanto ni Marcos na hindi pala dapat bigyan ng malawak na kapangyarihan ang kanyang kanang kamay.
Fast forward tayo. Itinagalang kahalili ni Rodriguez si Lucas Bersamin – isang retiradong mahistrado ng Korte Suprema. Ang basehan ni Marcos – integridad na hinulma sa loob ng mahabang panahon sa loob ng hudikatura.
Nang maupo si Bersamin, limitado na ang kapangyarihan ng posisyon. Mistulang kinatawan na lang ng Pangulo ang executive secretary sa mga pagtitipon na hindi kayang isingit sa iskedyul ni Marcos. Proxy, ika nga.
Tagapaghatid ng mensahe ng administrasyon sa piling pagkakataon, taga-balangkas ng executive order, at tulay ng direktiba ng Pangulo para sa mga miyembro ng gabinete.
Sa tuwing bumibisita sa ibang bansa ang Pangulo, kabilang si Bersamin sa talaan ng mga tinaguriang “caretaker” ng gobyerno. Pero sa totoo lang, si Marcos pa rin naman ang nagpapasya, nagdidikta at naglalabas ng mga direktiba. Pormalidad lang ang pagtatalaga ng caretaker.
Walang impluwensya, walang sariling pondo pero sa tuwing may kapalpakan ang Palasyo, lahat ng sisi kanyang sinasalo. Pero pwedeng magbigay rekomendasyon sa Pangulo kung may nakikitang gusot sa iba’t ibamng departamento.
Sa kontrobersyal na flood control scandal, tila siya pa ang nais isakdal.Pero sino nga ba ang tunay na little president sa Palasyo mula Oktubre 2022 hanggang sa kasalukuyan?
Malinaw naman sa mga resibo batay sa pagsasaliksik ng mga independent media organizations — pawang kaalyado sa politika ng Pangulo ang punong-arkitekto sa likod ng dambuhalang eskandalo.
