
TUMATAGINTING na P10 milyon ang alok na gantimpala sa sinumang magtuturo sa kinaroroonan ni Pastor Apollo Quiboloy na tumatayong lider ng sektang Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa isang kalatas, nilinaw ni DILG Secretary benhur Abalos na hindi sa gobyerno magmumula ang pabuya sa impormasyon para sa ikadarakip ni Quiboloy na nahaharap sa kabi-kabilang kasong kriminal kabilang ang panghahalay, human trafficking, child prostitution at iba pa.
Nang tanungin ng mga mamamahayag kung saan manggagaling ang naturang halaga, sinabi ni Abalos na isang kaibigan ang kusang-loob na tumulong para panagutin ang aniya’y puganteng pastor.
“Gusto ko pong i-anunsyo sa mga nanonood at nakikinig na meron tayong mga kaibigang gustong tumulong sa paghahanap sa kanila at nag-o-offer ng reward ng P10 million for any information leading to the arrest of Pastor Quiboloy,” wika ni Abalos sa isang pulong-balitaan.
Pag-amin ng Kalihim, pahirapan ang paghahain ng mandamiento de arresto na inilabas ng husgado laban sa puganteng religious leader.
Ayon kay Abalos, nagsimulang magtago si Quiboloy mula nang maglabas ng arrest warrant ang korte para sa mahabang talaan ng mga kasong kriminal.
Nito lamang nakaraang buwan, sinalakay ng pulisya ang KOJC compound, ang Prayer Mountain, at Glory Mountain sa Barangay Tamayong, Davao City, at isa pang lugar sa Kitbog, Sarangani Province, para dakpin si Quiboloy.
Gayunpaman, bigo ang mga pulis na matunton si Quiboloy na kilalang malapit kay former President Rodrigo Duterte.
Bukod sa Pilipinas, pasok din sa wanted list ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy kaugnay ng mga kasong “labor trafficking scheme that brought church members to the United States, via fraudulently obtained visas, and forced the members to solicit donations for a bogus charity, donations that actually were used to finance church operations and the lavish lifestyles of its leaders.”