NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
Isang panibagong bulilyaso ang sumingaw sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ng Kamara kaugnay ng paggamit ng pondo ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Batay sa sipi ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA), tumataginting na P16 milyon ang ginastos ng Office of the Vice President para sa 11-araw ng renta ng safehouse sa huling bahagi ng taong 2022 — bagay na lubhang ikinabigla ng mga kongresista.
Anila, hindi makatwiran ang naturang paggamit sa pondo ng OVP lalo pa’t pareho lang naman di umano ang binayad ng tanggapan ni VP Sara sa first at second quarter ng 2023 para sa 34 safehouses.
Ayon sa COA, confidential and intelligence funds (CIFs) ang pinagkunan ng P16 milyon pambayad renta sa 34 safehouse sa loob lamang ng 11. Lumabas sa pagtutuos ng COA, P91,000 kada araw ang upa ng bawat unit.
Batay naman sa liquidation report na isinumite ng OVP para sa taong 2023, gumastos ang OVP ng P5 milyon para sa 79 araw sa 34 safehouses – katumbas ng P53 milyon para sa buong taon.
Sa kabuuan nasa P250,000 hanggang P1 million kada unit ang ibinayad sa may-ari mula December 21 hanggang 31, 2022.
Para kay Manila 3rd Dist. Rep. Joel Chua na tumatayong chairman ng komite, higit na angkop alamin ng Kamara kung anong klaseng safehouses ang ginagamit ng OVP.
“Pwede ba yan maihanay sa luxurious properties, na mayroong amenities na tulad sa high-end resorts gaya ng Shangri-La Boracay, na ang rate ay nasa P25,000 per night?” pasaring ng kongresista.
Sa laki aniya ng renta, para na aniyang gumastos ang OVP sa mga “high-end condominium units” sa Bonifacio Global City kung saan kalakaran ang P90,000 daily rental.
Gayunpaman, walang sinuman ang taga-OVP ang humarap sa House Blue Ribbon panel kaya ang natanong na lamang ng mga mambabatas ay si Atty. Gloria Camora, team leader ng COA na siyang nagsagawa ng audit sa CIFs ng tanggapan si Duterte para sa taong 2023.
Naging mainit na usapin sa mga nakalipas na panahon ang pagkaubos ng P125-milyong confidential fund ng OVP sa loob lang ng 11 araw.
