NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
Bukod sa pondong kinalap mula sa illegalista at POGO, kabilang ang confidential and intelligence funds (CIF) sa mga sinisilip na posibleng pinaghuhugutan ng salaping ginamit sa madugong giyera ng nakalipas na administrasyon laban sa droga.
Ayon kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, maging siya’y kumbinsidong ginamit ni former President Rodrigo Duterte ang CIF na inilaan ng Kongreso sa Office of the President sa kanyang panunungkulan sa Palasyo para pakilusin ang mga berdugo.
Sa pagdinig ng quad committee, tinanong ni Castro si former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma tungkol sa pagkakaroon ng malaking halaga ng para pondohan ang EJKs.
“You think iyong pera po ay isang source ng pinagkukunan ng rewards ay confidential funds or intelligence funds?” tanong Castro.
Gayunpaman, hindi direktang tumugon si Garma — at sa halip ay sinabing “ayoko pong mag-speculate po, Your Honor.”
Sa naturang pagdinig ay binasa ni Garma ang kanyang sinumpaang salaysay na tuwirang nag-uugnay kay Duterte sa pagsasagawa ng pambansang kampanyang nagbigay-daan sa extrajudicial killings (EJKs) sa hanay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.
Batay sa salaysay ni Garma, hindi lang reward system ang nabisto kundi maging ang detalyadong papel ng mga kilalang malapit sa dating Pangulo sa giyera kontra droga ng nagdaang administrasyon.
Tinutukan ni Castro ang sinasabing daloy ng pondong di umano’y mula sa noo’y Special Assistant to the President Bong Go patungo kay dating Criminal Investigation and Detection Group regional director Col. Edilberto Leonardo.
Damay rin umano sa EJK ang iba pang na rin sa ibang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at mga operatiba mula sa iba’t ibang ahensya kabilang ang Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Corrections.
“So, makikita natin, Mr. Chair, ang driving factor bakit marami po iyong pinatay na mga mahihirap ay dahil may rewards,” ayon kay Castro.
Bagamat kinumpirma ni Garma ang reward system, hindi naman tinukoy kung saan nagmula ang pondo.
Ayon kay Garma, si Leonardo ang nangasiwa sa pamamahagi ng pondo para sa pabuya.
Sa kanyang interpellation, ipinunto ni Castro ang aniya’y selective policy sa drug list kung saan kapansin-pansin na wala sa talaan si former Presidential Economic Adviser Michael Yang na di umano’y sangkot sa drug smuggling sa bansa.
Pag-amin pa ni Garma, batid ng mga senior police officials ang kanyang ibinunyag — “Lahat po sila, lahat po ng [police] officers na nandito po sa loob alam po nila yan. Ako lang po ang naglakas loob magsabi.”
