NI EDWIN MORENO
Para sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP), hindi apektado sa kontrobersiya sa Kamara ang kampanya kontra iligal na droga sa bansa.
Sa isang pulong-balitaan, partikular na tinukoy ni PNP Public Information chief Brig. Gen. Jean Fajardo ang binubusising reward system sa likod ng madugong giyera kontra droga sa nakalipas na administrasyon.
Pagtitiyak ni Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng PNP, mananatiling matatag ang hanay ng pulisya bilang isang institusyon
Patunay aniya ang hindi pagtatakip sa mga kontrobersyal na kasong lumutang sa pagdinig ng quad comm — kabilang ang pagpatay kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga.
Wala rin aniyang dahilan para pagtakpan sinumang PNP official na binanggit ni retired Col. Royina Garma, na di umano’y sangkot sa pagpaslang kay dating Tanauan City Mayor Antonio Halili.
Sa pagdinig ng quad comm, ibinunyag ni Garma ang ginanap na pulong sa pagitan ni former President Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng PNP Academy Class of 1996 at 1997, bago pa man inilunsad ang umano’y Davao model sa war on drugs kung saan nakapaloob ang extrajudicial killings at reward system para sa mga operatiba.
Bagamat aminadong miyembro ng PNPA Class 1996, nilinaw naman ng tagapagsalita ng PNP na hindi siya kasama sa mga dumalo sa nasabing pulong na pinatawag ng dating Pangulo.
