
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MAS magiging madali matunton ang utak sa likod ng extrajudicial killings kapag sinundan ang tinatawag na money trail — ang bakas ng salaping ginamit bilang pabuya sa mga berdugong operatiba na bahagi ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Bukod sa mastermind, matutukoy din umano ang mga sangkot at nagpagamit sa malawakan at sistematikong patayan, ayon kina Reps. Bienvenido Abante Jr. at Dan Fernandez ng quad committee ng Kamara, batay sa mga pagsisiwalat ni former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma.
Hirit nina Abante at Fernandez sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), tulungan ang quad comm sundan ang daloy ng perang pinadaan sa tatlong bank accounts na pinaniniwalaang ginamit sa reward system na kalakip ng mga operasyon kontra droga.
Higit na kilala si Garma na “super-close” kay former President Rodrigo Duterte.
“Quad Comm will leave no stone unturned. Those who profited from the killings must be held accountable, and the AMLC is key to tracking down these illicit transactions that led to the deaths of innocent civilians,” wika ni Abante.
“The use of financial institutions for illegal activities is a serious crime. We will follow every lead to ensure that those responsible face justice,” pahayag naman ni Fernandez.
Nakatakda na rin anilang magpadala ng pormal na liham ang quad comm sa AMLC sa mga susunod na araw.
Samantala, nanawagan si Abante sa mga operatibang nakatanggap ng pabuya na lumantad — “Your testimony could be critical to uncovering the truth. This is the time to speak up.”
Sa panig ni Fernandez, seguridad ang garantiya ng Kamara sa mga makikipagtulungan sa malalimang imbestigasyon sa EJK at kalakalan ng droga — “We are giving those involved a chance to help clear the air and ensure justice is served.”