SA gitna ng napipintong pagsibak sa pwesto, minarapat ng kontrobersyal na Bamban Mayor Alice Guo na idamay ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), kasabay ng giit na wala sa mandato ng lokal na pamahalaan regulatory power sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) operations sa bansa.
Sa isang pahayag, nanindigan si Guo na wala siyang kaugnayan sa anumang POGO operation at maging sa ilegal na operasyon Zun Yuan Technology Incorporated na sinalakay ng Philippine National Police noong Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Guo, hanggang sa paggagawad lang ng business permits ang saklaw ng lokal na pamahalaan.
Aniya, inosente siya sa mga paratang na kumakaladkad sa kanyang pangalan sa ilegal POGO operations. Gayunpaman, tiniyak ni Guo ang pagtalima sxa six-month preventive suspension na ipinataw ng Office of the Ombudsman batay sa reklamong inihain ng Department of Interior and Local Government (DILG)
“I respect the legal process and accept the Ombudsman’s decision. But I want to reiterate that I am innocent and I have served our town and its people with integrity. I believe this is an opportunity to clarify the accusations against me. I am ready to cooperate with the authorities to ensure truth and justice,” aniya.
Para sa kontrobersyal na alkalde, malinaw na nagkamali sa paghahain ng kaso laban sa kanya. Hirit na niya, imbestigahan ang ahensyang nagbigay ng license to operate sa Zun Yuan Technology Incorporated.
Sa isang bukod na pahayag, nanindigan si Atty. Nicole Jamilla na tumatayong abogado ng alkalde, walang basehan ang alegasyong paglabag ni Guo sa Republic Act 3019 (Anti Graft and Corrupt Practices Act) base na rin sa inihaing reklamo sa Office of the Ombudsman.
Paliwanag ng abogada, walang anumang ginawa ang mayor na katumbas ng “manifest partiality, evident bad faith o gross inexcusable negligence” na nakasaad sa naturang batas.
Katunayan aniya, ang iginawad na business permit ng lokal na pamahalaan ng Bamban sa Zun Yuan Technology Incorporated ay batay sa rekomendasyon ng Pagcor.
“Si Mayor Guo ang biktima dito, siya ay hindi makatarungang nasangkot sa mga isyu na pangunahing naka-ugat sa mga responsibilidad sa regulasyon ng PAGCOR. Ang kawalan ng mga kinakailangang elemento sa ilalim ng RA 3019, Section 3(e), ay nagpapatunay na ang mga akusasyon ay kulang sa matibay na batayan” pahayag ni Atty Jamilla.
