
SA gitna ng kabila-kabilang eskandalong kinasasangkutan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), nanindigan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na hindi dapat isara at palayasin ang mga gaming hubs sa bansa.
Katwiran ng PAGCOR, sayang ang kita ng gobyerno mula sa mga POGO.
Sa isang pahayag, dinepensahan ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco ang mga POGO, kasabay ng giit na hindi naman lahat ng POGO sangkot sa mga ilegal na aktibidad.
Aniya, hindi naging pabaya ang PAGCOR sa pangangasiwa ng operasyon ng mga lehitimong POGO na tinawag niyang internet gaming licensees (IGL) na di umano’y nagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.
Bukod sa trabaho, may mga lokal na negosyanteng apektado sa sandaling tuluyang patibayin ng kongreso ang panukalang batas na tatapos sa pananatili sa bansa ng mga IGLs.
Panawagan ni Tengco sa Senado, huwag padalos-dalos lalo pa’t malaki di umano ang pakinabang ng gobyerno sa buwis na mula sa mga lehitimong IGLs.
Gayunpaman, kumbinsido ang malaking bahagi ng lehislatura na hindi kayang tumbasan ng kitang nakukuha ng gobyerno ang perwisiyong dulot ng POGO sa mga Pilipino.