
SA ikalawang pagbasa ng Kamara sa panukalang P889.24-milyong budget para sa Office of the Vice President (OVP), agad na kinatigan ng mga kapwa kongresista ang hirit ni House Deputy Minority Leader Rep. Leila de Lima — panatilihin sa P733.2 milyon ang alokasyon ng naturang tanggapan para sa susunod na taon.
Partikular na kinontra ni de Lima sa plenaryo ang House Bill 4058 na mas kilala bilang 2026 General Appropriations Bill (GAB) kung saan nakasaad ang panukalang P6.793-trillion national budget.
Sa mosyon ng Mamamayang Liberal partylists representative, iminungkahi bawasan ang pondong inilaan para sa OVP.
“I proposed an amendment to the budget of the Office of the Vice President (OVP) in the form of a reduction from P889.24 Million to its 2025 level of P733.2 Million representing a reduction of P156 Million or 17.5%. This is found in House GAB Volume I-A Page 22 Line 19,” bungad ng minority official.
Giit ni De Lima, bawat halaga ng budget na ilalaan ay pera ng taumbayan kung kaya kinakailangan aniya ang mahigpit na “accountability” at “constitutional duty” rin ng namumuno ng ahensya ipabatid kung saan ginamit ang pondo.
Subalit sa deliberasyon ng Kamara kaugnay sa paghimay ng 2026 GAB, nagmatigas si Sara at tumanggi sumalang sa pagbusisi ng mga kongresista.
“Let me then again put this on record: VP Sara Duterte’s repeated refusal to face this chamber is an insult. It spits on the duty of accountability, while she clings to millions in public funds she refuses to explain,” anang partylist solon.
“This is arrogance. Para tayong mga magulang na tinatabig at sinisigawan ng anak na tumangging magpaliwanag kung saan napunta ang baon. Kahangalan ang magsabi na aksidente lamang ito o resulta ng pagkakamali. Malinaw na pangmamaliit ito sa Kongreso at sa taumbayan. Sa madaling salita po: paulit-ulit na tayong binabastos ng Bise Presidente,” diin pa ni de Lima.
“Public money is not a toy. Hindi ito pabuya na pinamimigay sa mga imbentong tao na may imbentong pangalan sa mga imbentong project. It is a trust. And until the Vice President learns respect, this House must act as the parent that disciplines a brat.”
“This reduction is discipline, not demolition. Malayo ito sa ginawa ng kanyang ama na ginamit ang budget para pahirapan ang Commission on Human Rights (CHR) — a constitutional body created to defend the powerless. What we do here is different: we call out entitlement, we confront arrogance, we demand respect,” pagtatapos ng mambabatas na nagsilbing chairman ng nasabing komisyon. (ROMER R. BUTUYAN)