
SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang plano ng SSS-GSIS Party List na sakupin ng Social Security System (SSS) o ng Government Service Insurance System (GSIS) ang lahat ng halal at appointed na opisyal ng barangay at mahigit dalawang milyong job orders (JOs) sa makinarya ng gobyerno.
Sa kanyang mensahe sa ginanap na panunumpa ng SSS-GSIS Pensyonado Partylist, sinabi ni Cayetano na kanyng tutulungan si Rep. Rolly Macasaet na isulong ang pensyon ng barangay officials.
“Handa tayong makipagtulungan sa Mababang Kapulungan (sa pamamagitan ni Rep. Macasaet) na isulong ang pensyon ng barangay officials at JOs, sa Senado,” wika ni Cayetano.
Sumumpa si Macasaet kasama si San Jose, Tarlac Councilor Mico Macasaet sa lungsod ng Taguig noong May 27 kay Cayetano na tumalakay din sa pangangailangan turuan ang mamamayan hinggil sa kahalagahan ng maagang pamumuhunan at pangmatagalang programa para sa kinabukasan ng bansa.
Pinuri din ni Cayetano si Rep. Macasaet sa pagiging tapat at sa malalim na kaalaman sa isyu ng pensyon.
“The younger we start our people, citizens, and leaders in investing, the sooner they start thinking of not their immediate future lang but their whole life — the better for the whole country,” ani Cayetano.
Paliwanag niya, hindi limitado ang usapin sa ipon o pensyon. Dapat ganun rin aniya ang prinsipyo ng mga nasa gobyerno pagdating sa trabaho.
“Ang mabilis na panahon hindi dahilan para magmadali sa trabaho. Ang kailangan natin ay mga pinunong iniisip hindi lang ang bukas kundi ang susunod na dekada,” aniya.
Sinang-ayunan din ni Cayetano ang plano ni Rep. Rolly na palawakin ang pensyon para sa mahigit dalawang milyong job order (JO) workers sa gobyerno.
“All the JOs po — over 2 million of them nationwide — are not members of neither SSS nor GSIS… I will just amend the law a bit,” ani Rep. Rolly.
“After serving or being barangay kapitan, kagawad, tanod for 20–30 years of their lives… when they retire, they go back to the poverty level po. Senator, I will file a bill with you so that they can at least be members of the SSS man lang,” dagdag ng kinatawan ng SSS-GSIS pensioner.
Kasabay nito, kinilala rin ni Cayetano sa sabayang panunumpa ng mag-amang Macasaet sa Taguig, na sumisimbolo ng pagpapatuloy ng serbisyo at tamang pagpapasa ng mga pinapahalagahan sa susunod na henerasyon.
“In the spirit po of honoring our mothers and fathers, our lolos, lolas, we chose to do the oath-taking dito sa teritoryo n’yo… Para yung symbolism natin ng one generation after the other nandoon. Ang nag-oath today ay hindi lang si Kuya Rolly, kundi pati si Mico,” ayon kay Cayetano. (ESTONG REYES)