
SA pagpapatuloy ng balasahan sa pamahalaan, mas pinalawig pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panawagan ng sabayang pagbibitiw sa pwesto.
Sa kalatas ng Palasyo, inatasanang nasa 168 opisyal ng mga government-owned and controlled corporation (GOCC) na magsumite ng courtesy resignation sa lalong madaling panahon.
Batay sa abiso ng Governance Commission for GOCCs (GCG), kabilang sa mga hiningan ng courtesy resignation mga appointed officials ng Land Bank of the Philippines (Landbank), Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Pag-IBIG.
Saklaw ng panawagan ng paghain ng courtesy resignation ang mga chief executive officer (CEO) at non ex-officio chairperson, na kailangang i-address ang kanilang resignation letter sa Pangulo at isumite ito sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary (OES).
Gayundin ang mga appointive director, trustee, at mga miyembro ng mga GOCC Governing Board, na dapat magsumite ng kanilang resignation letter direkta sa GCG ngunit naka-address pa rin sa Pangulo.
Gayunpaman, nilinaw ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi sasalingin sa balasahan ang mga opisyales na nakitaan ng husay at pagiging epektibo sa sinumpaang tungkulin sa gobyerno.