
POSITIBO ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na hindi malayong muling buksan ng gobyerno ang tinaguriang “upgraded version” ng Philippine Offshore and Gaming Operations (POGO).
Sa ginanap na budget deliberation ng Kamara, inamin ni PAGCOR chairman Alejandro Tengco na may mungkahi na siyang inilatag kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – ang Special Business Process Outsourcing (SBPO) na aniya’y kahalintulad lamang ng mga call centers.
Bukas ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa posibilidad na magkaroon ng upgraded version ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“So while the mandate today, the instruction of the President today is to wind down the operations of all till the end of the year, but who knows, maybe later on we can study and see if it’s possible to have a sort of an upgraded version,” wika ni Tengco.
Ayon kay Tengco, nailahad na niya kay Marcos ang mungkahing payagan ang limitadong bahagi ng operasyon ng POGO.
“Dito po sa special BPO (business process outsourcing) — so that everybody will just be apprised on what it is — basically there is no bet that is being taken by these companies, ito po ay kapareho rin ng mga kumpanya ng BPO na meron tayo all over the Philippines, and dito po sa gaming, we were able to license 14 companies as of today, and ang employee po nito ay nasa humigit-kumulang 10,000 tao,” sambit ng opisyal.
Paliwanag ni Tengco ang SBPO ang nagbibigay ng serbisyo sa mga malalaking gaming company at operator sa Australia, Amerika, at Europa.
Nang tanungin kung ano ang naging tugon ni Marcos, sinabi ni Tengco na inatasan umano siya ng Pangulo na gumawa ng presentasyon sa kaugnay ng kanyang mungkahi.
“Kaya naging positive naman po ang sagot ng Pangulo kaninang umaga, sabi niya pag-aralang mabuti at i-presenta sa kanya ‘yong final plan,” dugtong ng PAGCOR chief.
“So sinabi ko naman po sa kanya at klinaro ko na ito po sanang sa 40,000 na humigit-kumulang na mga empleyado (ng POGO), may mase-save po tayong 10,000 rin, at sabi ko sa panahon ngayon baka malaking bagay din na ang 10,000 ay hindi mawalan ng trabaho agad-agad. Kaya sabi naman niya, ‘O sige kung ganun naman, i-presenta mo nang mainam sa buong committee na ‘yan, at pagkatapos yong general plan itself na inyong mapagkakasunduan, i-presenta ninyo sa akin”