
WALANG plano ang gobyerno magpatupad ng malawakang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa merkado, ayon sa Department of Agriculture (DA) kasabay ng paglilinaw na ang naturang mekanismo ay para lamang sa mga lugar na lubhang apektado ng El Niño phenomenon.
Sa Bagong Pilipinas public briefing, nilinaw ng departamento na tanging ang mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity ang saklaw ng price freeze.
Katwiran ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, kailangan balansehin ng pamahalaan ang ekonomiya para iwas-aberya sa mga susunod na buwan.
“Kung idadamay (sa price freeze) ang buong bansa na hindi naman apektado ng El Niño, baka magkaroon ng problema doon sa ibang area,” ani de Mesa.
“Makikita natin mostly western section ng ating bansa ang naapektuhan at kanya-kanya yung mga apektadong lugar na nagdeklara ng states of emergencies,” dugtong pa ng opisyal.
Batay sa datos ng Task Force El Niño, nasa 131 local government units (LGUs) ang nagdeklara ng state of calamity sa buong bansa.
Kabilang sa mga lugar na lubos na apektado ng tagtuyot ang Mimaropa region kung saan pumalo na sa P1.71 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura.
Pasok din sa talaan ang mga sakahan sa Western Visayas, Cordillera Administrative Autonomous Region, at Cagayan Valley.
Sa kabuuan, umabot na sa P5.90 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura. Sa naturang halaga, P3.9 bilyon ang naitala sa aspeto ng rice production.