Ni ESTONG REYES
NAGMUKHANG ignorante sa batas ang apat mambabatas matapos buweltahan ni Senador Risa Hontiveros kaugnay ng show-cause order na inilabas ng senado laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Nanindigan si Hontiveros na kapangyarihan ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality ang patawag kay Quiboloy.
Partikular na pinasaringan ni Hontiveros sina Senador Robin Padilla, Cynthia Villar, Ronald dela Rosa at Imee Marcos.
“Request pa nila, iakyat daw sa plenary ang pag-determine ng show cause order. Sa totoo lang, wala nga sa Rules ang show cause order. It was a courtesy extended to Sen. Robin (Padilla), at the request of the SP. Kung wala nga sa Rules ang show cause order, much less wala sa Rules na kailangan ng hearing in plenary to resolve the show cause order,” wika ng opposition senator.
Hindi rin natinag si Hontiveros sa tinaguriang pinakamayamang mambabatas sa Senado, matapos ipaalala kay Senador Cynthia Villar nna aniya’y dati nang nag-utos na arestuhin agad ang di umano’y big-time rice smuggler na si Davidson Bangayan sa kabila ng nakabinbin asunto sa husgado ilang taon na ang nakalipas.
Maging si Senador dela Rosa, ipinag-utos ang pagdakip sa pulis na pinaniniwalaang may kinalaman sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon, kahit pa sinampahan na ng demanda.
Damay din sa buwelta ni Hontiveros si Senador Imee Marcos na gayundin aniya ang ginawa sa pagdinig ng kanyang komite ukol sa kontrobersyal na people’s initiative.
Wala rin aniya pinag-iba ang ginawa ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa kainitan ng isyu kaugnay ng pagkamatay ng University of Santo Tomas (UST) freshman law student na si Horacio Castillo dahil sa fraternity hazing.
“At si SP (Senate President) mismo, noong Senate hearings sa pagpatay kay Horacio Castillo, hindi niya tinanggap ang right against self-incrimination excuse at ginamit doon ang contempt power ng Senado. Dahil diyan naipasa ang Anti-Hazing Law of 2018 o R.A. 11053,” aniya pa.
Giit ni Hontiveros, angkop lang na aprubahan at lagdaan ni Zubiri ang mandamiento de arresto laban kay Quiboloy.
“Makukulong lang si Quiboloy sa Senado sa hindi pagdalo sa pagdinig, at hindi para sa mga mabibigat na paratang ng mga biktima laban sa kanya,” garantiya ni Hontiveros.
“Magpakita na lang na si Quiboloy bakit ba ang dami pa niyang drama.”
