“KUNG meron tayo natutunan ngayong eleksyon ay hindi naging tugma ang mga naging datos ng mga survey prior to elections doon sa actual na resulta,”
Ito ang paalala at naging tugon ni newly appointed House of Representatives spokesperson Atty. Priscilla Marie “Princess” Abante nang hingian ng reaksyon hinggil sa survey ng Pulse Asia na nagsasabing 50% ng mga respondent ang tutol ipagharap ng impeachment charges si Vice President Sara Duterte.
Pagbibigay-diin ni Abante, sa naging resulta ng 2025 senatorial elections dapat maging maingat na at huwag basta maniwala ang publiko sa isinasaad ng mga survey dahil napatunayan hindi ito matibay na batayan.
“May mga nakita tayong consistent na nasa winning circle sa surveys all throughout the campaign period na hindi natin nakitang nagtagumpay,” wika ng House spokesperson.
“So I would be very careful in reading too much right now on the surveys,” dagdag niya.
Ayon kay Abante, dapat husayan pa ng mga policymakers at political leaders ang pag-analisa sa mga nakukuhang datos at mas mabuting magkaroon ng aktibo at direktang pakikipag-ugnayan sa kanilang constituents.
“We need to understand not just ano ‘yung pakiramdam ng mamamayan ayon sa survey pero mas kailangan bumaba tayo sa tao para mas maintindihan ano ‘yung talagang totoong pangangailangan nila,” giit niya.
Samantala, isinantabi naman ni 1-RIDER Partylist Rep. Rodge Gutierrez, kasapi ng House prosecution panel sa impeachment trial laban kay Duterte, ang naturang survey at iginiit na hindi dapat diktahan ang magiging takbo ng isang constitutional process ng sinasabing public opinion lamang.
Tiniyak pa ni Gutierrez na hindi maapektuhan ng Pulse Asia survey ang kanilang panig at nananatiling matatag sa kanilang paninindigan magprisinta ng mga ebidensya at pagpapatunay sa mga kasong inihain laban sa bise presidente, na mangyayari kapag nagsimula na ang impeachment trial.
Si Duterte ay nahaharap sa kasong maling paggamit umano ng kabuuang P612.5 million confidential funds, na ang P500 million ay sa ilalim ng Office of the Vice President at P112.5 million naman noong siya ang kalihim ng Department of Education (DepEd); pagtatangka sa buhay nina President Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; panunuhol sa mga DepEd officials; pagkakaroon ng unexplained wealth; hindi paglalabas ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN); at ang pagkakaroon umano ng kaugnayan sa extrajudicial killings na nangyari sa panahon ng pamumuno sa bansa ng amang si ex-President Rodrigo Duterte. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
