TINATAYANG aabot sa P13.6 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga pulis-Kyusi mula sa tinaguriang bigtime drug dealer sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City.
Kinilala ni Col. Randy Glenn Silvio, Deputy District Director for Administration/ Officer-in-Charge ng Quezon City Police District (QCPD), ang suspek sa pangalang Jessie, 43-anyos at residente ng Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.
Sa report ni Lt. Col. Romil Avenido, hepe ng Batasan Police Station 6 ng QCPD, isinagawa ang operasyon dakong alas-9:35 ng gabi sa kahabaan ng San Mateo Road, Barangay Batasan Hills, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nasamsam mula sa suspek ang tinatayang dalawang kilo ng shabu na may kabuuang halaga na P13.6 milyon, isang wallet, isang cellphone, at ang buy-bust money.
Nahaharap naman ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 and 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (LILY REYES)
