
SA hangaring tiyakin na walang nilalabag na probisyon sa 1987 Constitution ang national budget para sa susunod na taon, puspusan ang isinasagawang pagrerebisa ng Palasyo sa 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Sa isang kalatas, tiniyak naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na pipirmahan ng Pangulong Ferdinand Marcos ang 2025 GAB pagsapit ng Disyembre 30.
Bukod sa Pangulo, kasama sa masusing paghihimay sa 2025 national budget ang mga miyembro ng gabinete para bigyang prayoridad ang mga higit na kailangan pagtuunan ng pamahalaan.
“The President and the Cabinet are right now thoroughly reviewing the various items on the GAB to make them conform to the Constitution, and to see to it that the budget prioritizes the main legacy thrusts of the administration,” ani Bersamin.
Ayon kay Bersamin, masinop ang Pangulo sa pagpaplano at paggasta sa limitadong pananalapi kasabay ng garantiyang tatanggalin ng ehekutibo ang mga proyektong hindi naman lubhang kailangan.
“The President has been most prudent in programming and spending of our limited fiscal resources,” dagdag ni Bersamin.
Una nang tinuligsa ng iba’t ibang sektor ang paglalaan ng higit na malaking pondo para sa Department of Department of Public Works and Highways (DPWH), gayundin ang mala-pork barrel na alokasyon sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ni House Speaker Martin Romualdez.
Hindi rin ikinalugod ng ilang senador ang tapyas budget sa sektor ng edukasyon at kalusugan na anila’y pangunahing prayoridad alinsunod sa konstitusyon. (Louie Legarda)