HINDI na nagawan ng remedyo ng gobyerno ang pinsalang tinamo ng isang kalsada sa Barangay Matinik sa bayan ng Lopez, lalawigan ng Quezon.
Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan tuluyan nang gumuho ang highway na tanging daan patungo sa pantalan sa Roma Point kung saan ginagawa ang isang tulay na magdurugtong naman sa Alabat Island
Disyembre 14 nang mapansin ng mga motorista at mga residente ang mga bitak sa highway bunsod ng pagguho ng lupa sa mismong ilalim ng imprastrakturang gawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Disyembre 26 naman nang tuluyang isara sa lahat ng uri ng sasakyan ang highway matapos gumuho ang sementadong kalsada sa mga kabahayan sa ibabang bahagi ng naturang imptrastraktura.
Apektado sa pagkawasak ng highway ang ilan pang barangay ng Lopez kabilang ang Hondagua at Guites na nasa Roma point kung saan ginagawa ang “pinakamahabang tulay” sa naturang lalawigan.
Bukod sa mga motorista, apektado rin sa nasirang kalsada ang nasa 110 pamilyang pwersahang inilikas sa evacuation centers – at hindi na pinayagan pang bumalik sa kani-kanilang bahay bunsod ng peligrong dulot ng landslide.
Idineklara na rin bilang “permanent danger zone” ang naturang bahagi ng lalawigan. Wala pang relocation site para sa mga apektadong pamilya.
