NANG maupo sa Palasyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., malinaw ang kanyang polisiya — ayaw niya sa mga ilegal na sugalan.
Pero matapos ang dalawa’t kalahating taon, hindi natitinag ang mga tinaguriang sugal-lupa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Katunayan, sa Calabarzon region na hindi kalayuan sa kabisera, legal na legal ang lahat ng klaseng sugal. Dangan naman kasi, pinapangalandakan ng mga illegal gambling operator ang ptoteksyon ng isang mataas na opisyal ng Calabarzon regional police office na nasa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Kenneth Lucas.
Ang totoo, diskumpyado ako sa bulalas ng mga gambling operators sa Calabarzon na nagbibigay ng lingguhang tongpats kay Sgt. Adlawan.
Panakot ng mga amuyong ni Lucas para makakolekta ng lingguhang ganansya — perwisyong walang humpay sa ilegal na negosyo.
Pero sadyang magulang si Sarhento Adlawan sinibak pala sa serbisyo dahil sa kabi-kabilang bulilyaso. Pinakawalan ni Adlawan ang tatlo niyang amuyong na sina Randy, Rommel Pahirap at Jack sa mga lalawigang saklaw ng Calabarzon.
Bulong ng insider na ‘Kalawit,’ P6.8 milyon ang regular na payolang pasok sa bulsa ni Adlawan. Gayunpaman giit ng huklubang si Adlawan, nIreremit niya ang lingguhang ganansya sa among opisyal ng Calabarzon PNP.
Para disimulado, may moro-morong hulihan. Pero di tulad ng ibang palabas sa entablado, sumusuka ng P34,000 para sa ‘bondable’ na hulihan.
Ang higit na masaklap, utos daw ni Gen. Lucas lahat ng kanilang lakad.
Kung tutuusin, sadyang malaki ang Calabarzon. Katunayan, hindi bababa sa 200 illegal gambling operators ang may kanya-kanyang balwarte sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Sa dami nila, hindi nakakapagtakang pumapalo sa P6.8 milyon ang regular na tongpats.
Kaladkad din ni Randy sa weekly payola ang tanggapan ng Regional Director, SCU, Special Provincial Battalion at R2.
Kasama din sa ipinambabakal ni Randy at Rommel Pahirap ang Regional Special Operation Unit, Regional Special Operation Team CIDG Region, Intelligence CIDG Region, Game and Amusement Board at PNP Intelligence Group.
