October 24, 2025

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Reklamo laban sa mga gov’t officials tapos sa 60 araw?

TALIWAS sa mga nakalipas na panahon, hindi na kailangan pang bumilang ng taon para umusad ang reklamong inihain sa Ombudsman.

Garantiya ni Ombudsman Crispin Remulla, hindi aabutin ng 60 araw ang preliminary investigation para sa mga reklamo laban sa mga opisyales at kawani ng pamahalaan.

Sa budget hearing ng Senado, tiniyak ni Remulla ang aniya’y paspasang “preliminary investigation” sa bisa ng bagong mekanismong inilatag sa ahensya. Partikular na tinukoy ng Ombudsman ang sistema mula sa filing at pagdala ng kaso hanggang sa isampa sa Sandiganbayan — o sa alin mang hukuman.

“Binabago namin yung mga deadlines at yung mga dapat na panahon na magugugol sa bawat stage nung evaluation, preliminary investigation and evaluation fact-finding, preliminary investigation at yung litigation proper sa pagdating po sa Sandiganbayan o sa RTC,” wika ni Remulla na sumalang sa pagdinig ng Senate Committee on Finance Sub-Committee A.

“Kung dati po’y umaabot ng anim na buwan hanggang isang taon ang prelim investigation, ngayon po ang iginigiit ko po ay gawin na namin within 60 days,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Remulla, ang naturang sistema ay napatunayang epektibo sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng Department of Justice.

“Pagdating po sa fact-finding, ganun din po. Pag nag-file po ang isang ahensya na certified na po ang mga dokumento at ang ebidensya po ay tatayo na sa korte sa unang tingin namin sa evaluation, ito po’y dinidiretso na namin ng prelim investigation, wala na fact-finding yan.” (ESTONG REYES)