
PRAKTIKAL at mas matipid. Ganito inilarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mungkahing pagsabayin na lang ang plebisito sa Charter Change (ChaCha) sa 2025 midterm elections.
Sa isang panayam sa Maharlika Hangar sa Pasay city, bago lumipad patungo sa Canberra, Australia para sa state visit, nagpahayag ng paniniwala si Marcos na hindi angkop na unahin ang plebisito sa 2025 election.
Katwiran ng Pangulo, baka mabulilyaso ang isinasagawang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa halalan sa susunod na taon.
Hindi rin aniya akmang gumastos ng malaki para sa dalawang halalan.
Gayunpaman, wala pa di umano tiyak lalo pa’t higit na kailangan muna pag-aralan maigi ang naturang suhestyon.
“Pinag-aaralan talaga namin yun dahil kung paghihiwalayin natin natin ang election at saka yung plebiscite, parang dalawang eleksyon yun eh… napaka mahal. So, baka maari kung isama natin ang plebisito sa local elections na gagawin sa Mayo next year. Malaking bagay yun, malaking savings para sa atin kaya nga pinag-aaralan namin,” sambit pa ni Marcos.