NI EDWIN MORENO
SA edad na 74-anyos, posibleng hindi na makalaya pa si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil.
Sa panayam ng isang online news channel, tiniyak ni Marbil na magdurusa sa likod ng rehas ang religious leader na nahaharap sa mahabang talaan ng kaso, lalo pa aniya’t marami pang biktima ang nagpahayag ng kahandaan maghain ng asunto laban sa KOJC leader na kilalang malapit sa dating pangulo.
Katunayan aniya, bukod sa patuloy na nangangalap ng mga testimonya mula sa mga saksi, marami pa di umanong pumapasok na reklamo at sinumpaang salaysay mula sa iba pang biktima ng tinaguriang “Son of God.”
“We want to make sure talagang tight talaga yung kaso. We want to make sure that talagang itong si Quiboloy, will suffer talaga in jail. Yan ang gusto namin,” wika ni Marbil sa panayam ni Pinky Webb.
Nahaharap si Quiboloy sa mga kasong child abuse at qualified human trafficking sa Pilipinas, bukod pa sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, and coercion, sex trafficking of children, at bulk cash smuggling na nakabinbin sa Estados Unidos.
