NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA sandaling bumigkas ng hindi angkop na salita tulad ng pagmumura si former President Rodrigo Duterte, hindi malayong ‘patayan ng mikropono’ ang dating pangulo — yun ay kung pagbibigyan niya ang paanyaya ng quad committee na inatasang magsagawa ng “investigation in aid of legislation” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Sa isang pahayag, binigyang diin ng dalawang lider ng quad committee ang kahalagahan ipatupad ang “proper decorum” sa mga pagdinig ng Kamara.
Partikular na pinuna nina Laguna Rep. Dan Fernandez at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante ang hindi magandang salitang binitiwan ni Duterte sa pagharap Senate inquiry kamakailan.
“Siguro kung siya ay a private person lang, magsalita siya ng ganyan, magbiro siya, ay okay pa. Pero pag isang dating Pangulo ng bansa ay nagbiro ng ganyan… nakakatakot yan,” giit ni Abante.
“Nakakahiya tayo… wala man lang nag-stand para i-delete o tanggalin yon sa record ng Senado?” wika naman ni Fernandez.
Paalala ng dalawang mambabatas, maituturing na bahagi ng kasaysayan ang bawat pahayag o salaysay sa isang legislative probe, kasabay ng giit na hindi dapat dungisan ng hindi naaayong salita ang katitikan ng congressional inquiry.
Babala ni Fernandez, hindi isasama “transcript” ang mga pagmumura ni Duterte sa pagdinig.
Sa panig ni Abante, iginiit ng kongresista na hindi lamang ang simpleng pagbibitiw ng pangit na salita ang problema sa naging pagharap ni Duterte kundi ang konteksto ng bawat katawang lumalabas sa bibig ng dating pangulo.
“But the thing is this, yung PI, hindi lang mura yan eh. Nanay ko, tinutukoy mo dyan eh,” sabi ni Abante.
“We should not allow any vulgar statement in this hearing,” anang Manila solon, “We will try to remind him. Tapos pag paulit-ulit pa rin, then we have to take action.”
