KUNG pagbabatayan ang mga nabunyag na kwestyunableng transaksyon ng mga negosyo, hindi lang pwesto bilang pangalawang pangulo ang nakaambang mawala kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay forensic accounting expert Atty. Alexander Cabrera, posibleng maharap sa kasong money laundering si Duterte bunsod ng pagkakaiba sa idineklarang kita ng pagmamay-aring kumpanya kumpara sa perang pumasok sa bank account.

Bukod sa money laundering, namumuro din aniya si Duterte sa kasong tax evasion at revenue underreporting sa tatlong kumpanyang iniuugnay sa kanya at sa asawang si Atty. Mans Carpio.

Sa testimonya ni Cabrera, partikular na tinukoy ang financial records ng Cale88 Food Corp., GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corp. kung saan sinasabing kasosyo ang Duterte-Carpio couple.

Ayon kay Cabrera, si Carpio ay may 47.5 percent shares sa Cale88, habang ang bise presidente ay may tig-20 percent shares sa Metro City Chow, kung saan tumatayo rin itong miyembro ng board at GenCorp, na nadiskubreng nag-o-operate ng limang Jollibee franchises.

Aniya “ang pagpasok ng pera at paglabas ng pera na hindi naman nagagamit ng negosyo” at “yung pera ay malinaw na indikasyon ng money laundering” sa parte ng Cale88.

Sa kabila pa umano ng patuloy na operasyon at pagtanggap ng P319.33 million na inward remittances mula mainland China at Hong Kong., ang naturang kumpanya ay nagdeklara ng pagkalugi.

Tinukoy din ni Cabrera ang kawalan ng record ng Cale88 para sa raw material inventory, kakulangan sa property, planta at equipment para sa sinasabing banana chip operations.

Hinggil naman sa GenCorp, palaisipan kung paano ito nakakuha ng Jollibee franchises gayung mayroon lamang itong P1.2 million paid-up capital at ang isang franchise ng nasabing fast food chain ay hindi bababa sa P35 million.

“So maaaring galing dito sa unreported cash flow po ’yung ginagamit nilang pera para makabili po ng additional franchises po,” ani Cabrera.

Maging sa Metro City Chow ay nasiwalat ang mas malaking bank deposits sa idineklarang sales sa mismong audited financial statements nito.

“Pareho po ng GenCorp, pareho po ng Cale88 po, underreporting po ’yan ng revenue,” dagdag pa ni Cabrera.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *